‘IPAGLABAN ANG INTERES NG BANSA AT IPAGLABAN KUNG ANO ANG ATIN’ — BONG GO SA PH WEST SEA

MULING  iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go ang mandato ng gobyerno na protektahan at itaguyod ang integridad ng teritoryo ng bansa sa gitna ng patuloy na hidwaan sa West Philippine Sea.

Sa ambush interview matapos personal na tulungan ang mga mahihirap na residente sa Mati City, Davao Oriental noong Sabado, Marso 11, idiniin ng senador ang pangangailangang ipaglaban ang nararapat na pag-aari ng Pilipinas at ng mga mamamayan nito.

“Tulad ng naumpisahan po ni (dating) pangulong (Rodrigo) Duterte, mandato po ng Estado na protektahan, isulong, at ipaglaban po kung ano ‘yung atin,” saad ni Go.

“Kung ano ang atin ay atin. Atin po ‘yon.”

Inulit din ni Go ang patakarang panlabas ni dating pangulong Duterte, na idiniin ang pagiging “kaibigan sa lahat at walang kaaway” habang ipinagtatanggol ang interes ng bansa.

“Ayaw niyang makipag-away pero importante po’y ipaglaban po natin ang interes ng bansa at ipaglaban po natin kung ano po ‘yung atin,” dagdag nito.

Noong Pebrero, iniulat ng Philippine Coast Guard ang isang insidente kung saan isang Chinese security vessel ang umano’y gumamit ng military-grade laser laban sa isang Philippine patrol boat sa pinagtatalunang karagatan.

Kasunod ng insidente, ipinatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian para ipahayag ang kanyang pagkabahala hinggil sa mga aksyon ng China.

Iniulat din kamakailan ng PCG na ilang mga pinaghihinalaang barko ng Chinese maritime militia ay nananatiling malapit sa ilan sa mga pinagtatalunang lugar sa West Philippine Sea. Napansin ng PCG noong Marso 9 na bumaba ang bilang ng mga barkong may bandera ng ibang bansa ngunit isang barkong pandigma ng People’s Liberation Army of China ay nasa lugar pa rin.

Noong Disyembre ng nakaraang taon, nagpalabas din ng panawagan si Go para matiyak na ang mga interes ng bansa sa West Philippine Sea ay mapangangalagaan at mas pauunlarin sa isang maikling manifestation speech sa Senado.