(“Ipaglalaban ang atin”) CHINA HINIKAYAT NA ITIGIL ANG PAMBU-BULLY SA WEST PH SEA

HINIKAYAT ni Senador Bong Go ang China na itigil na ang anumang anyo ng pambu-bully o panghihimasok sa West PH Sea.

Pinanatili ni Go ang kanyang matatag na paninindigan sa pagtatanggol sa mga karapatan sa soberanya ng bansa at paninindigan laban sa anumang panghihimasok sa karagatang sakop nito.

Noong Abril 23, isang araw matapos bumisita sa Maynila si Chinese Foreign Minister Qin Gang at nakipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na gumamit ang China Coast Guard (CSG) ng “delikadong maniobra” para harangin ang mas maliit na sasakyang-dagat ng PCG, na naging sanhi ng malapit na banggaan ng dalawa sa kanilang mga barko malapit sa Ayungin (Second Thomas) Shoal.

Matatandaang noong nakaraang Pebrero, iniulat din ng PCG ang insidente kung saan gumamit umano ng military-grade laser ang isang Chinese security vessel laban sa isang Philippine patrol boat sa pinag-aagawang karagatan.

“Alam n’yo tayo na mga Pilipino, maliit lang tayo sa bansa, ngunit matapang po ang Pilipino. Kaya nakikiusap po ako, kung totoo man po ‘yung ginagawa nilang pambu-bully, kung pambu-bully man po ‘yon, nakikiusap po ako tigilan n’yo na po ang pambu-bully sa Pilipino,” ani Go, Vice Chair Of the Senate National Defense Committee.

“Dahil tayong mga Pilipino ipaglalaban natin kung ano ang atin. Kung ano ang atin ay atin. Atin po ‘yun. Kaya tumigil na po kayo na idaan sa dahas o sa pambu-bully. Dahil porke’t maliit lang tayo na bansa ay aapihin na tayo, ‘wag naman pong ganun. Respeto po, respeto,” dagdag nito.

Noong Abril 28, binigyang-diin ng tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs na si Tess Daza na dapat igalang ng China ang mga legal na karapatan ng bansa para magsagawa ng mga naturang patrol, na nagsasabing, “Ang pakikialam ng China Coast Guard sa nakagawiang patrol mission na ito ay ganap na hindi naaayon sa kalayaan sa paglalayag, at isangang bilang ng mga dokumentadong insidente ay nagsasangkot din ng lubhang mapanganib na mga maniobra na salungat sa karaniwang mga kasanayan sa paglalayag.”

Habang nagpapatuloy ang tensyon sa West Philippine Sea, hinimok ni Go ang pangangailangan para sa pagkakaisa sa pagharap sa mga hamon na dulot ng pagiging mapamilit ng China sa rehiyon. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng paninindigan para sa pambansang interes at pagtataguyod ng mapayapang resolusyon sa mga alitan sa teritoryo.

“Tulad ng naumpisahan po ni (dating) pangulong (Rodrigo) Duterte, mandato po ng Estado na protektahan, isulong, at ipaglaban po kung ano ‘yung atin,” ani Go.

“Ayaw niyang makipag-away pero importante po’y ipaglaban po natin ang interes ng bansa at ipaglaban po natin kung ano po ‘yung atin,” dagdag nito.