KAMAKAILAN ay inanunsiyo ng sikat na travel website na Conde Nast Traveler na kasama ang Pilipinas sa listahan ng 40 pinakamagandang bansa sa mundo. Malaking karangalan ito para sa atin!
Ayon sa Conde Nast Traveler, narito na umano sa Pilipinas ang lahat kung ang kalikasan din lamang ang pag-uusapan. Nariyan ang kamangha-manghang Banaue Rice Terraces, Palawan National Park, Subterranean River sa Puerto Princesa, Chocolate Hills sa Bohol, at marami pang iba. Pangunahing destinasyon umano sa Pilipinas ang Siargao, Palawan, Boracay, at Cebu.
Samantala, kinilala naman ng Time Magazine ang Boracay sa Aklan bilang isa sa mga lugar na dapat bisitahin ngayong 2022. Kasama rin sa listahan ang mga sumusunod: Galapagos Islands, Ecuador; Seoul, South Korea; Bali, Indonesia; Kyushu Island, Japan; Dolni Morava, Czech Republic; Great Barrier Reef, Australia; Valencia, Spain; at Nairobi, Kenya.
Isa lamang ang kahulugan ng mga pandaigdigang pagkilalang ito—dahil sa tunay na kariktan at yaman ng ating bansa kung kalikasan at tanawin din lang naman ang pag-uusapan, napakalaki ng ating responsibilidad bilang mamamayang Pilipino na ingatan, protektahan, at pagyamanin ang ating mga likas na yaman para naman masigurong makikinabang pa rin ang mga susunod na henerasyon.
Dahil sa mga karangalang nabanggit sa itaas, darayuhin tayo ng mga turistang banyaga. Hindi naman maitatanggi na mabuti ito para sa turismo at kabuhayan ng maraming Pilipino, ngunit nangangahulugan din ito na mahalagang mabigyan ng pagkakataon ng mga Pilipino mismo ang kanilang sarili na mapuntahan itong mga lugar sa sariling bayan.
Tayo muna, sariling atin muna—sikapin nating mapasyalan ang mga lugar na ating ipinagmamalaki at kilalanin nating mabuti ang sariling kultura. Sa ganitong paraan, mas magiging malalim ang pang-unawa natin sa ating pagiging Pilipino o pagkilala sa ating sarili. Naniniwala akong mas papahalagahan at iingatan natin ang ating tahanan kung lubos nating nauunawaan ang ating lahi, kultura, at kasaysayan.