IPAGMALAKI NATIN ANG PRODUKTONG PINOY!

TUWING Agosto taon-taon, ginugunita natin ang Buwan ng Wika. Naisabatas ito sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 1041 noong 1997 ni dating Pangulong Fidel Ramos, bilang pagpupugay sa ating wikang pambansa.

Sa pagdiriwang ngayong taon na pangungunahan ng Komisyon sa Wikang Pilipino, tinagurian nila ang tema bilang “Filipino at Mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”

Ang pagdedeklara ng Buwan ng Wika tuwing Agosto ay bilang pagkilala sa iniwang legasiya ng yumaong Pangulong Manuel Luis Quezon na mas kilala rin bilang “Ama ng Wikang Pambansa” na isinilang noong Agosto 19, 1878 sa bayan ng Baler.

Hindi lamang ang pagbibigay halaga sa sariling wika ang isinulong ng dating pangulo, kundi maging ang promosyon ng mga produktong Pinoy. Napakahalaga na maisulong ng isang bansa ang kanyang mga sariling produkto sapagkat nakatutulong ito sa kanyang pag-unlad.

Noong Agosto 12, 1936, pinagtibay ni Pangulong Quezon ang Proklamasyon Blg. 76 na nagdedeklara sa Agosto 17 hanggang 23 bilang Made in the Philippines Products Week. Patunay na napakalaki ng pagpapahalaga ng dating Pangulo sa pag-unlad ng Pilipinas.

Sa nasabing proklamasyon, binigyang-diin niya na napakahalagang maipakilala sa bawat Pilipino ang pagbibigay-importansya sa takbo ng ekonomiya dahil malaking tulong ito para sa mamamayan at sa buong sambayanan. Ang pagpapalakas sa mga industriya, aniya, ay nangangahulugang pag-usad din ng yaman ng bansa at pag-alagwa ng ating pamumuhay.

Sabi nga ng dating pangulo, taglay ng Pilipinas ang napakaraming natural na yaman. Ang kailangan lang, dapat itong linangin upang makatulong sa iba’t ibang industriya. Sa kasalukuyan, marami sa ating mga industriya ang patuloy na nangangailangan ng paglilinang. Ang isa sa pinaka-epektibong paraan upang mapalakas natin ang ating mga industriya ay tayo-tayo mismo ang tumangkilik sa sarili nating mga produkto.

Napakarami pa nating dapat na i-develop na in- dustriya sa Pilipinas. Nagpakalawak pa ng maaari nating ipag-unlad sa sektor.

Kabilang ang adbokasiyang ito sa itinutulak nating Tatak Pinoy o Proudly Filipino strategy. Taong 2019 nang simulant natin ang promosyon ng Tatak Pinoy sapagkat naging inspirasyon natin ang mga naging pahayag ng magagaling na ekonomista tulad nina Dr. Ricardo Hausmann ng Harvard University at Cesar Hidalgo ng Massachusetts Institute of Technology.

Sabi nila, uunlad lamang ang isang bansa kung magagawa nitong makapag-produce ng mga produktong hindi pangkaraniwan at maibebenta ang mga ito nang malakasan.

Ito ang pangarap natin sa pagsusulong natin sa ating Tatak Pinoy – to achieve a degree of economic complexity. Sa pamamagitan nito, makalilikha tayo ng magagandang trabaho, kikita tayo nang mas malaki at mas mapatataas natin ang uri ng pamumuhay ng sam- bayanang Pilipino.

At upang masiguro na maisasabuhay ang ating pangarap, inihain natin ang isang panukala, ang Senate Bill 2218 o ang Tatak Pinoy Act. Sa kasalukuyan, bilang chairman ng Senate Committee on Finance, nakapag- sagawa na tayo ng pitong pagdinig para sa nasabing panukala.

Matapos ito, ihahanda na ng ating komite ang report na ating tatalakayin sa plenaryo.

Umaasa tayo na sa lalong madaling panahon ay maisabatas ang panukalang ito, lalo pa’t isa ito sa mga binibigyang prayoridad ngayon ni Pangulong Marcos. Katunayan, kabilang ito sa priority measures na kanyang ipinamamadaling aprubahan ng Kongreso na nabanggit pa niya sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo.