(Ipamamahagi na) FUEL SUBSIDY SA 1.36M DRIVERS, OPERATORS

fuel subsidies

NASA 1.36 million public utility drivers at operators sa buong bansa ang makatatanggap ng one-time fuel  subsidy na nagkakahalaga ng mula P1,000 hanggang P10,000 sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ang subsidiya na nagkakahalaga ng P3 billion at inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM), ay ipamamahagi bilang fuel vouchers.

Ipinag-utos ni DOTr Sec. Jaime Bautista ang agad na pagpapalabas sa subsidiya.

Sa ilalim ng Joint Memorandum Circular 2, ang mga benepisyaryo ng programa ay kinabibilangan ng drivers ng traditional at modern jeepneys, UV Express, mini at regular buses, shuttle services, taxis, tourist transport services, school transport services, ride-hailing services, delivery services, at tricycles.

Ipamamahagi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P10,000 sa modern jeepney at modern UV express drivers at operators, habang ang iba pang moda ng transportasyon ay tatanggap ng P6,500.

Ang tricycle drivers at operators ay tatanggap ng P1,000 mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), habang ang delivery service riders ay makakakuha ng P1,200 sa Department of Information and Communications Technology (DICT).

-PNA