IPINAG-UTOS ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pamamahagi ng mahigit P510 million na fuel subsidies sa may 160,000 magsasaka na nagmamay-ari o nagrerenta ng makinarya na ginagamit sa crop, livestock, at poultry production.
Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na naglaan ito ng P510.447 million para sa mga magsasaka na naka-enroll sa Registry System for Basic Sectors of Agriculture kung saan ang mga may agricultural machinery at equipment ay tatanggap ng fuel subsidy na tig-P3,000.
Ipamamahagi ng DA ang subsidiya sa pamamagitan ng assistance cards na ipagkakaloob ng Development Bank of the Philippines (DBP).
Ang implementasyon ay pangangasiwaan ng Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering and Regional Field Offices ng DA.
Gayunman, sinabi ng DA na ang pamamahagi ay nakabatay sa certification ng Department of Energy (DOE) na ang average monthly price ng Dubai crude oil per barrel ay umabot sa $80 base sa Mean of Platts Singapore.
Tinukoy ang market data, sinabi ng DA na ang presyo ay pabago-bago sa pagitan ng $78.48 at $86.50 per barrel mula June 3 hanggang July 1, na nagpapahiwatig na ang distribusyon ng fuel subsidies ay maaaring magsimula sa Hulyo.
“This is just one of the several assistance projects that the Marcos administration provides to ease the burden of our farmers, the unsung heroes of our economy and the main pillar of our food security goal,” ayon kay Tiu Laurel.