MAHIGIT sa 1.6 milyong public utility vehicle (PUV) operators at drivers, kabilang ang tricycle drivers at delivery riders, ang nakatakdang tumanggap ng fuel subsidies mula sa pamahalaan upang mapagaan ang epekto ng magkakasunod na linggong pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Sa isang statement, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na pabibilisin nito ang pamamahagi ng P2.95 billion na fuel assistance sa pamamagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon sa DOTr, ang mga driver ng modern jeepneys at UV Express vans ay tatanggap ng tig-P10,000, habang ang mga driver ng iba pang moda ng transportasyon ay makakakuha ng tig-P6,500.
Samantala, ang tricycle at delivery riders ay pagkakalooban ng P1,000 at P1,200, ayon sa pagkakasunod.
Ipamamahagi ng DOTr ang one-time cash grant sa may 280,000 PUV drivers, habang ang 930,000 tricycle drivers at 150,000 delivery service riders at matatanggap ang kanilang subsidiya mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Information and Communications Technology (DICT).
“We will make sure that the assistance to our PUV drivers will be distributed immediately so they can use it, pay for their fuel and improve their daily income,” wika ni DOTr Secretary Jaime Bautista.
Ang mga motorista ay naghahanda para sa panibagong big-time oil price na ipatutupad simula ngayong Martes.
Sa abiso ng Pilipinas Shell Petroleum Corp., ang presyo ng kada litro ng diesel ay tataas ng P4, kerosene ng P2.75, at gasolina ng P0.50.
Noong nakaraang Martes, Agosto 1, ang presyo ng gasolina ay tumaas ng P2.10 kada litro, diesel ng P3.50, at kerosene ng P3.25 kada litro.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Agosto 1, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P11 kada litro at diesel ng P3.10 kada litro, habang ang presyo ng kerosene ay bumaba ng P0.10 kada litro.
-EVELYN GARCIA