(Ipamamahagi ng NFA) BIGAS SA ‘KRISTINE’-HIT AREAS

TINIYAK kahapon ng National Food Authority (NFA) ang kahandaan nito na mamahagi ng bigas sa local government units (LGUs) na hinagupit ng bagyong Kristine.

Sa isang phone interview, sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson na pinagana niya ang lahat ng kanilang warehouses upang agad na makatugon sa kahilingan ng mga apektadong lugar.

“Lahat ng NFA offices ngayon bukas I have instructed everyone to be on alert, provide assistance, kahit hindi bigas, kahit sasakyan or whatever, especially in Region V (Bicol Region). Dapat ang ating gobyerno ay responsive,” ani Lacson.

“Bicol ang pinakamatinding tinamaan. I am coordinating, kanina pang umaga with our regional manager in Sorsogon at sa Catanduanes. We are doing the release of the rice request ng ating LGUs,” dagdag ni Lacson, tinukoy ang paunang kahilingan na tig-500 sako ng naturang mga lugar.

Samantala, sinabi ni Lacson na may isinasagawang inspeksiyon sa NFA warehouses sa Valenzuela, Bulacan, at Tarlac upang matiyak ang maayos na pagpapalabas ng rice stocks habang kumikilos si Kristine pa-hilagang-kanluran.

“Bago man dumating ang bagyong ito, we have enough stocks for all of them. Ang stocks natin nationwide ngayon 6.5 days to last. So, we are really confident mayroon tayong ibibigay na stocks sa LGUs na mangangailangan,” dagdag pa niya.

Ang 6.5-day rice stock ay katumbas ng 4.3 million bags ng NFA rice. ULAT MULA SA PNA