(Ipamamahagi ngayon sa NCR, Zamboanga) CASH GRANT SA 337 RICE RETAILERS

NAKATAKDANG ipamahagi ng pamahalaan ngayong araw ang P15,000 cash grant sa maliliit na rice retailers sa Metro Manila at Zamboanga del Sur na apektado ng pagpapatupad ng price cap.

Tinukoy ang ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kay Presidente Ferdinand Marcos Jr., sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) sa isang statement nitong Linggo na ang pamamahagi ng ayuda sa micro rice retailers ay isasagawa sa bayan ng Pateros at sa mga lungsod ng Navotas at Parañaque sa National Capital Region (NCR), at sa Zamboanga del Sur.

Nasa 337 benepisyaryo ang tinukoy ng Departments of Agriculture (DA) at Trade and Industry (DTI) na tatanggap ng ayuda.

Sa kabuuan, 15 retailers ang nasa Pateros, 161 sa Navotas, 129 sa Parañaque, at 32 sa Zamboanga del Sur.

Tutulong ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa DSWD sa pag-aabiso sa mga benepisyaryo hinggil sa cash grants.

Ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang pagpapatupad ng P41 price ceiling sa regular milled rice at P45 price cap sa well-milled rice sa buong bansa simula noong Sept. 5.

Upang matulungan ang maliliit na rice retailers na apektado ng price cap, inatasan niya ang DSWD na magkaloob ng P15,000 cash assistance sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program nito.

Ang simultaneous distribution ng cash assistance ay sinimulan noong Sabado sa Commonwealth Market sa Quezon City sa pangunguna nina DSWD Secretary Rex Gatchalian at Mayor Joy Belmonte, at sa Agora Market sa San Juan City nina DTI Secretary Alfredo Pascual at Mayor Francis Zamora.

Pinangunahan naman nina DILG Secretary Benhur Abalos Jr., First District Rep. Oscar Malapitan at Mayor Dale Malapitan ang distribusyon sa Maypajo Market sa Caloocan City.

(PNA)