(Ipaprayoridad ng Makabayan bloc sa 19th Congress) MITIGATING MEASURES VS OIL CRISIS

kongreso

AGAD na ihahain ng Makabayan bloc sa Kamara ang mga panukalang batas na makapagpapagaan sa matinding epekto ng oil crisis.

Ayon kay ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro, ang magkakasunod na big-time oil price hike ay lubos na nakaapekto sa mga Pilipino dahil nagresulta ito sa pagtaas din ng presyo ng mga pangunahing serbisyo at bilihin tulad ng pagkain.

Sa pagpasok ng 19th Congress ay ipaprayoridad ng mga progresibong mambabatas ang paghahain ng panukala na magpapahupa sa epekto ng krisis sa langis.

Kabilang sa limang panukalang batas na ihahain ng Makabayan pata makatulong sa mga Pilipino sa mataas na fuel prices ay ang mga sumusunod :

• pagpapawalang bisa sa ipinapataw na VAT at excise taxes sa langis

• unbundling ng presyo ng mga produktong petrolyo upang makita ang transparency sa tunay na presyo ng langis;

• pagpapawalang-bisa sa Oil Deregulation Law at pagpapatupad ng bagong policy framework na titiyak na ang presyo ng petrolyo at langis ay tama at regulated;

• pagbabalik sa pamahalaan ng Petron para sa abot-kayang presyo ng petrolyo;

• pagtatatag ng National Petroleum Exchange Corporation na magsisilbing sentro ng importasyon at distribution hub ng petroleum products.

Kasabay nito ay hinimok ni Castro ang mga miyembro ng 19th Congress na madaliin ang pagpapatibay sa mga panukala upang agad na makabawas sa paghihirap ng mga Pilipino.

– CONDE BATAC