MAGTATAAS ng alerto ang Land Transportation Office (LTO) bilang bahagi ng “Oplan Biyaheng Ayos Undas 2022” na layong tutukan ang kaligtasan ng mga pasahero at motorista sa nalalapit na paggunita ng Undas ngayong Nobyembre.
Simula sa Oktubre 27 hanggang Nobyembre 4, ipatutupad ng LTO ang heightened alert sa lahat ng mga tanggapan nito sa bansa.
Nangangahulagan ito na hindi muna maaaring makapagday-off o bakasyon ang mga LTO enforcer na pakikilusin sa panahon na ito.
Ipinahayag ng LTO na ang kaligtasan sa daan at defensive driving ang isa sa mga aktibidad na itatampok sa “Oplan Biyaheng Ayos Undas 2022” ng ahensya.
Inaasahan na ng LTO na kasunod ng pagluwag sa pagbiyahe sa gitna ng COVID-19 pandemic ay mas marami ang daragsa sa mga sementeryo upang bisitahin ang mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Kaugnay nito, ikinasa na ng LTO ang mga aktibidad upang magabayan ang mga drayber at operator ng public utility vehicles (PUVs), pribadong sasakyan, at ng pangkalahatang publiko hinggil sa kahalagahan ng pagsunod sa mga batas-trapiko, pagpapairal ng gawang pangkaligtasan sa daan at depensibong pagmamaneho.
Idinaos kahapon ng LTO ang multi-sectoral coordination meeting kasama ang law enforcement groups at road management units ng iba pang ahensiya ng gobyerno upang ilahad ang mga paghahanda para sa Undas 2022.
Sinundan ito ng Road Safety and Defensive Driving seminar kasama ang mga drayber at kundoktor ng mga Public Utility Bus (PUB).
Sinimulan na rin ang pagdeploy o pagpapakilos ng mobile teams ng LTO Central Office sa mga transport terminal sa National Capital Region.
Hiwalay din ito sa inspeksyong isinasagawa ng mga tauhan ng LTO sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa.
EVELYN GARCIA