TINIYAK ng Philippine Natioanal Police (PNP) pantay ang kanilang magiging pagtrato sa mga raliyista araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ginawa ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo ang pahayag dahil dalawang uri ng raliyista ang nabigyan ng permit at ang mga ito ay pro-government at anti-government.
Una nang kinumpirma ni Fajardo na apat na grupo ang nabigyan ng permiso ng Quezon City local government .
Panawagan ng opisyal sa mga grupo na sundin ang guidelines na nakasaad sa kanilang hawak na permit.
Ang mga progressive group ay pinahihintulutan sa Tandang Sora malapit sa Commonwealth, habang ang pro-government groups ay itinakda sa St. Peter Parish na nasa kahabaan din ng Commonwealth.
Sinadya na malayo sa isa’t isa o halos 2 kilometro ang layo ng dalawang grupo upang maiwasan ang tensiyon na posibleng mauwi sa pag-aaway.
Binigyang diin ni Fajardo, magkapantay lamang ang ibibigay na security coverage sa militanteng grupo at sa pro-government.
Samantala, nanawagan si Fajardo sa mga raliyista na huwag nang magsunog at magsira ng effigy sa pampublikong lugar at ipinaalala na may umiiral na batas hinggil dito at isa rin sa dahilan ay upang maiwasan ang mabagal na daloy ng trapiko.
Nakiusap din ang PNP sa mga raliyista na kapag natapos na ang programa ay lisanin na upang hindi na dumating sa punto na itataboy pa sila.
Ang progressive group ay pinayagan mula alas-8 ng umaga hanggang alas-1 ng hapon habang ang pro-government group ay mula 11 ng tanghali hanggang ala-5 ng hapon.
EUNICE CELARIO