(Ipatutupad ng PNP) “WHOLE OF NATION APPROACH” VS DROGA

IPATUTUPAD ng pamahalaan ang “whole of Nation Approach” sa pamamagitan ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya para resolbahin ang problema sa droga.

Ito ang inihayag ni PNP Officer in Charge at Deputy Chief for Administration, Lt. Gen. Rhodel Sermonia, alinsunod sa patnubay ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., makaraang ilatag ang bagong Anti-drug program ng pamahalaan na Buhay Ingatan, Droga Ayawan” ( BIDA).

Ayon kay Sermonia, ang bagong programa ay tututok sa demand reduction at supply reduction sa kampanya kontra droga kasabay ng rehabilitasyon ng drug dependents.

Paliwanag ni Sermonia, trabaho ng PNP ang supply Reduction sa pamamagitan ng Interdiction Operations laban sa mga supplier at nagbebenta ng droga.

Subalit, aniya hindi kayang solohin ng PNP ang buong Anti-drug Campaign, at kailangan ng tulong ng lahat ng sektor, partikular sa awareness campaign sa mga kabataan na bahagi ng demand Reduction.

Kaya’t katulad ng matagumpay na “whole of Nation Approach” ng National Task Force To End the Local Communist Armed Conflict” (NTF-ELCAC) kung saan nagtulong tulong ang pambansang pamahalaan, mga LGU at mga residente ng mga komunidad, ganito rin ang gagawin sa kampanya kontra droga.

Samantala, kinilala rin ng PNP ang 20,000 tagapayo ng pamahalaan mula sa government agencies, private sectors at stakeholders sa katatapos na dalawang araw na 8th National Advisory Group Summit sa pamamagitan ng hybrid modality nitong Disyembre 2 sa Camp BGen Rafael Crame, Quezon City.

Sinabi ni Sermonia na layon ng summit ay mapalakas ang organizational focus sa tungkulin ng PNP lalo na sa pagsugpo ng krimen at pagsawata sa droga at mapaganda rin ang performance ng organisasyon.

“We are here also to re-examine or re-calibrate our approaches, especially in strengthening the integrity of the police organization, in manifesting honesty, accountability and upholding moral principle in the excercise of our mandate, which our dear President Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr has commanded us.,” ayon kay Sermonia.
EUNICE CELARIO