SIMULA sa 2023, ang lahat ng Filipinong rehistrado na sa national identification (ID) system ay magmamay-ari na rin ng sarili nilang bank account na paglalagakan ng mga ayuda at iba pang serbisyong pinansiyal ng gobyerno.
Sa Senate Bill No. 2251 o ang panukalang “One Filipino, One Bank Account Act” ni Senador Win Gatchalian, inaatasan ang Land Bank of the Philippines (LandBank) at Development Bank of the Philippines (DBP) na magbukas ng bank account ng sinumang Filipino simula Enero 1, 2023. Hindi na kailangang magbayad ng opening o maintenance fees o charges sa naturang bank account.
“Sa panukalang ‘One Filipino, One Bank Account Act’, lahat ng walang bank account ay siguradong magkakaroon na basta may national ID. Hindi na nila kailangang pumila pa para makakuha ng ayuda mula sa gobyerno dahil ilalagak na lamang sa naturang bank account ang ayuda at iba pang tulong pinansiyal ng ating pamahalaan,” ani Gatchalian.
Paliwanag ni Gatchalian sa kanyang panukala, ang LandBank at DBP ay awtomatikong magbubukas ng bank account para sa sinumang Filipinong nakapagrehistro sa Philippine Identification System (PhilSys) matapos iprisinta ang national ID. Sa mga hindi nagparehistro pagsapit ng Enero 1, 2023, maaari silang pumunta sa pinakamalapit na LandBank o DBP branch upang makapagbukas ng bank account at magdala ng mga kailangang dokumento katulad ng government-issued IDs. Ang bank account na ito ay awtomatikong naka-link sa PhilSys matapos ang pagpaparehistro sa national ID system.
Para sa mga menor de edad o mga walang kakayahan na makapagbigay pahintulot sa pagbubukas ng kanilang bank account batay sa mga nakasaad sa Article 1327 ng New Civil Code, sinabi ni Gatchalian na ang kanilang bank account ay iuugnay sa account ng kanilang magulang, legal guardian o sinumang binigyan ng pahintulot na tumayong magulang nila.
“Katulad ng suweldo ng mga empleyado na inilalagay sa ATM, ganito na rin ang mangyayari sa hinaharap sa pamimigay ng tulong pinansiyal ng gobyerno kasama na ang mga allowance ng mga iskolar at iba pa. Mabilis, seamless at makasisiguro pa ang ating gobyerno na sa mga tamang kamay mapupunta ang mga tulong pinansiyal,” giit ng senador.
Kahit na naging kalakaran na ang digital payment solutions magmula noong magkapandemya, sinabi ni Gatchalian na nasa 51.2 milyong Filipino o 47% ng populasyon ng mga Filipino pa rin ang walang sariling bank account. VICKY CERVALES