DAHIL bahagyang nakontrol ang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Davao City, ipinag-utos ni Mayor Sarah Duterte-Carpio na ibaba sa modified community quarantine (MCQ) ang paghihigpit sa lungsod.
Ang desisyon sa shifting ng enhanced community quarantine sa MCQ ay makaraang konsultahin ng alkalde ang mga dalubhasa hinggil sa estado ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19).
Batay sa rekomendasyon ng health authorities kay Carpio, maari nang paganahin ang transportasyon sa lungsod, gayundin ang tanggapan ng pamahalaan at mga pribadong establisimyento subalit isasailalim sa skeletal force, work from home at pinaikli ang working hours.
Kabilang sa public transport na maaaring gumana sa Davao City ay mga passenger jeep.
Sa panig ng pulisya, mahigpit pa ring ipatutupad ang social distancing, pagsusuot ng face mask, paggamit ng alcohol o hand sanitizer at no mass gathering.
Sinimulan na rin ang pagpapatupad ng Davao City Police sa ‘no warning but arrest and inquest procedures against ECQ violators alinsunod sa Republic Act No, 11469. RA No. 1132 and Article 151 of Revised Penal Code.
Ang nasabing procedure ng police operations ay magpapatuloy kahit pa ipatupad na ang MCQ.
Tiniyak naman ni Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, PNP Deputy Chief for Administration na magpapatuloy ang istriktong operasyon ng pulisya sa Davao City kahit pa ibinaba sa MCQ ang estado ng paghihigpit doon.
“Still ganoon pa rin, istrikto ang operasyon ng pulisya doon, wala nang warning, pakiusapan, aresto agad kapag lumabag sa protocol ng social distancing at hindi pagsusuot ng face mask,” ayon sa heneral.
Sa datos ng Department of Health, mayroong 114 kaso ng COVID-19 sa buong Davao region, 60 ang nakarekober habang 17 ang namatay.