iPHONE X SUMABOG

IPHONE X

INIIMBESTIGAHAN na ng Apple ang  ulat  ng  pagsabog ng isang iPhone X habang may  ina-update na app ang  may-ari.

Sa viral post ng iPhone user na si Rahel Mohammad, makikita ang larawan ng sunog at basag na iPhone X nito na nabili umano noong Ene­ro ngayong taon.

Ayon kay Mohammad, katulad ng ginagawa ng mga iPhone user, ina-update niya agad ang kanyang cellphone sa tuwing naglalabas na ito ng bagong software update.

Habang ina-update ang  iOS 12.1 ng kanyang iPhone ay nakasaksak ito  para i-charge, subalit  nang makumpleto na ang pag-update  ay bigla itong umusok at nag-apoy.

“Dark grey smoke started coming from the phone. The update was completed and as soon as the phone turned on it started to smoke and caught fire,” ang pahayag pa ni  Rahel sa media.

Sinabi ni Rahel na orihinal ang kable at maging ang adapter na kanyang gamit.

Hiniling ng Apple na ipadala ni Rahel sa kanila ang unit para kaagad na masimulan ang imbestigasyon.

Ito ang unang pagkakataon na may naiulat na sumabog na iPhone X mula nang ito ay ilunsad sa merkado noong nakalipas na taon.

Ganito rin ang nangyari sa kaso ng Samsung Note 7 kung saan ay napilitan ang nasabing telecom giant na ipa-recall ang lahat ng nasabing unit dahil sa sunod-sunod na kaso ng pagsabog nito.

Comments are closed.