HINILING ng isang ranking Mindanaoan lawmaker kay Pangulong Rodrigo Duterte na atasan ang pamunuan ng Social Security System (SSS) na ibigay na ang naunang inaprubahan na dagdag sa buwanang pensiyon ng mga miyembro nito.
Ayon kay Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, kamakailan ay dumulog sa kanya ang ilang senior citizens sa kanyang nasasakupan upang ipaalam na hindi pa umano naibibigay ng SSS ang dagdag na P1,000 sa mga pensiyonado ng naturang ahensiya.
“The retirees said that the P1,000 is the second installment of the P2,000 pension increase the SSS granted its pensioners in 2017, during the time of former SSS Chairman Amado Valdez,” sabi pa ng Cagayan de Oro City lawmaker.
Dagdag ni Rodriguez, ang pension increase ay ipinangakong maibibigay noong nakaraang taon subalit dahil kailangan umano ng SSS na makalikom pa ng kaukulang pondo para rito ay ipinagpaliban muna.
Ngayong may nararanasang krisis, binigyang-diin ng kongresista na malaking tulong kung maibibigay at matutupad ng SSS ang nasabing obligasyon nito kaya naman umaapela rin siya kay Pangulong Duterte para sa kaukulang aksiyon.
“The senior citizens are much more affected by the coronavirus disease pandemic than the young. In fact, they are more vulnerable to infection. Most of them have maintenance medicines that they buy with their small monthly pension,” dagdag pa ni Rodriguez, chairman ng House Committee on Constitutional Amendments.
Ikinalulungkot ng solon na maramimg senior citizens ang hindi kasama sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung kaya ang nasabing pension increase ng SSS ay malaking bagay na kung maipagkakaloob agad, lalo na, aniya, doon sa mga maliit lamang ang nakukuhang buwanang pensiyon. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.