(Ipinabibigay sa DICT, NTC, NPC)DAGDAG-PANGIL VS TEXT SCAM, PHISHING

DICT-2

UPANG lalong maging epektibo sa paglaban sa mga nasa likod ng text scam at phishing, dapat umanong bigyan ng karagdagang kapangyarihan ang Department of Information and Communications Technology (DICT), National Telecommunications Commission (NTC) at National Privacy Commission (NPC).

Kasabay nito, pinuri ng isang ranking member ng minority bloc sa Kamara ang nabanggit na mga ahensiya ng gobyerno, kasama na ang telecom firms sa maagap na pagtugon ng mga ito sa insidente ng panloloko gamit ang mobile phone services.

Ayon kay Agri party-list Rep. Wilbert Lee, bahagi ng layunin ng inihain niyang House Resolution No. 334 ang matukoy kung sapat o may hadlang sa pagtupad ng tungkulin ng DICT, NTC NPC, at iba pang government institutions para supilin ang text spam at phishing messages.

“It is the duty of the government to ensure that the consumers’ right to privacy is protected and that they are not victimized by fraudulent activities facilitated through spam and phishing messages,” pahayag ng party-list lawmaker.

“During these times that internet or social media has made it easier for some evil quarters to victimize others, we call on our countrymen to be more alert and cautious,” dagdag pa ni Lee.

Nagpapasalamat naman ang minority solon na hindi binigo ng naturang mga ahensiya ang sambayanang Pilipino at agad ay mayroong itong nagawa upang pigilan na lumala pa ang naturang modus operandi makaraang tukuyin ang mga posibleng nasa likod nito.

Sinabi ni Lee na base sa initial investigation ng NPC, ang smishing attacks and activities sa bansa ay kagagawan diumano ng global crime syndicate kung saan natukoy rin ng ilang local cyber security experts na ang personal information subscribers ay nakukuha ng scammers sa pamamagitan ng data breaches at ibinebenta sa tinatawag na dark web.

Sa panig naman ng local telcos, ikinalugod ng mambabatas ang ulat ng Globe Telecoms na nasa 784 milyong spam at scam text messages mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon ang naharang ng nasabing giant network firm, bukod pa sa pag-deactivate nito sa 14,058 mobile numbers na ginagamit umano sa panloloko at pag-blacklist sa 8,973 iba pa.

Binigyang-diin ni Anton Bonifacio, chief Information Security Officer ng Globe, na mayroon silang koordinasyon sa iba pang industry players para maprotektahan ang publiko at tuloy-tuloy rin ang awareness drive ng Globe para masiguro na ang kanilang subscribers ay hindi mabibiktima ng nabanggit na scam.

Bunsod nito, sinabi ni Lee na bukod sa posibleng pagbibigay ng dagdag-pangil sa concerned government agencies ay mainam na magkaroon ng matibay na koordinasyion ang mga ito sa local telecoms sector upang ganap nang matuldukan ang text scam at phishing incidents. ROMER

R. BUTUYAN