(Ipinadedeklara sa Nobyembre) BUY PINOY, BUILD PINOY MONTH

PARA hikayatin ang pampubliko at pribadong sektor na tangkilikin ang mga produktong Pinoy, nais ni Senadora Cynthia Villar na ideklarang “Buy Pinoy, Build Pinoy Month” ang Nobyembre.

Sa kanyang Senate Bill 357, sinabi ni Villar na kailangang unahin ang pagbili at paggamit ng produktong Pinoy at pagtangkilik sa serbisyo ng mga kababayan.

“Patronizing our own Filipino products strengthens the Philippine economy,” sabi ni Villar na kilala sa pagsusulong sa lokal na produkto mula sa kanyang mga programang pangkabuhayan.

Aniya, pinili ang Nobyembre dahil dumarami ang mga mamimili sa panahong ito bunga ng Kapaskuhan.

Bagaman madalas marinig ni Villar ang kasabihang “Tangkilikin ang Sariling Atin”, dismayado naman siya na hindi ito naisasagawa.

Pinuna niya ang kabiguan ng pamahalaan at stakeholders na ipaalam sa consumers ang pakinabang sa sandaling gawin ito.

Naniniwala si Villar na kailangang suportahan ang Filipino entrepreneurs para sa kanilang pag-unlad at pakikipagkumpetensiya.

Layunin ng panukalang batas ni Villar na itanim sa isipan ng bawat Isa ang pagtangkilik sa Filipino-made products at pagkilala sa Filipino producers, partikular ang micro, small and medium enterprises (MSMEs).

“All heads of government offices and instrumentalities, including government-owned and controlled corporations, as well as local government units, and employers in the private sector, shall encourage and afford sufficient resources, time and opportunities for MSMEs to engage and participate in any and all activities to mark the month,” sabi ni Villar.

Mahalagang sangkap ang MSMEs sa pag-unlad ng ating ekonomiya. Binubuo nila ang 99.6 % ng mga rehistradong negosyo sa Pilipinas.

Binibigyan din nila ng trabaho ang mahigit 67 % ng Filipino labor force. VICKY CERVALES