(Ipinagpaliban ng DOT dahil sa COVID-19) WALA MUNANG MALL SALE

Sec Bernadette Romulo-Puyat

DAHIL sa tumataas na kaso ng coronavirus o COVID-19 ay nagdesisyon ang Department of Tourism (DOT) na ipagpaliban ang isang buwang mall sale na 2020 Philippine Shopping Festival sa bansa.

Sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na   prayoridad ng  kagawaran ang kaligtasan ng bawat Filipino kaysa sa kita at  visitor arrivals.

Layunin ng isasagawa sanang  nationwide mall sale na  palakasin ang turismo kasunod ng epekto ng travel restrictions bunsod ng CO­VID-19 na  patuloy na tumataas ang kaso  sa buong  mundo sa nakalipas na mga araw.

Nakatakda sanang idalos ang mall sale mula Marso 1 hanggang  Marso 31 upang makaakit ng  local at foreign tourists. Ina­asahang magdadala ito ng kita sa mga negosyo at makatutulong upang maibangon ang turismo mula sa epekto ng ipinatutupad na travel ban.

Nagpasalamat ang kalihim sa mga  mall establishment  na makikiisa sana sa aktibidad.

Nagpaalala ang kalihim sa publiko na sundin ang panuntunan ng DOH para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 tulad ng paghuhugas ng kamay at paggamit ng disinfectant.

Kamakalawa ay nagpahayag  si Health Secretary Francisco Duque na dapat ay ipag­paliban muna ang  planong nationwide mall sale  upang hindi kumalat ang COVID-19 sa matataong lugar.

Ayon sa ulat, sa buwan lamang ng Pebrero ang bansa ay umaasang malulugi ng P14.8 billion sa turismo o kabuuang  P42.9 billion kapag nagtagal ng tatlong buwan ang travel ban sa China, Hong Kong, Macau, at North Gyeongsang Province sa South Korea.