IPINAGPALIBAN ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapataw ng multa sa mga motorista na dumadaan sa mga expressway nang walang RFID (Radio Frequency Identification) stickers o kulang ang load sa Oktubre 1.
Sa isang statement, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na umaasa siya na ang pagpapaliban sa pagpapatupad ng Joint Memorandum Circular No. 2024-001 ay makatutulong para magkaroon ng karagdagang panahon ang tollways na maabisuhan ang mga tao sa bagong guidelines.
Ang revised guidelines ay nilagdaan noong August 1 nina Bautista, Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Vigor Mendoza II, at Toll Regulatory Board (TRB) Executive Director Alvin Carullo.
“We hope the concerned agencies and tollway operators would use the 30-day deferment to fine tune expressway operations and further intensify the public information campaign to enable tollway users to comply with the new guidelines,” pahayag ni Bautista.
“These revised guidelines should significantly improve traffic along expressways through cashless or contactless toll plazas,” dagdag pa niya.
Ang bagong toll guidelines ay nakatakda sanang ipatupad sa August 31.
Sa ilalim ng circular, ang mga motorista na papasok sa toll roads na walang valid RFID o electronic toll collection (ETC) device, kabilang ang mga sira na, ay parurusahan bilang “No Valid ETC Device” at pagmumultahin ng P1,000 para sa first offense, P2,000 sa second offense, at P5,000 per offense para sa mga susunod na offense.
Samantala, ang mga palabas ng expressway na may insufficient balance ay parurusahan bilang , “insufficient load” na may multang P500 para sa first offense, P1,000 sa second offense, at P2,500 per offense para sa mga susunod na offense.
Ang mga gagamit ng fraudulent, tampered, o fake RFID device at e-card sa pagpasok at paglabas sa toll expressway ay parurusahan naman bilang “Fraudulent or Falsified ETC” na may multang
P1,000 para sa first offense, P2,000 sa second offense, at P5,000 per offense para sa mga susunod na offense.
Ayon sa pahayag ng TRB, ang mga motorista na may mga paglabag na may kaugnayan sa RFID ay bumubuo ng 9% ng lahat ng gumagamit ng mga expressway na nagiging sanhi ng mga pagkaantala at mahahabang pila sa mga toll plaza.
Sinabi rin ng TRB na ang karamihan sa mga gumagamit ng expressway na nasa 91% ay sumusunod sa mga patakaran at naaapektuhan ng mga motorista na may paglabag.
Layunin ng mga multa at parusa na mapabuti ang daloy ng trapiko sa mga toll plaza na magdudulot ng mas mabilis at mas maayos na pagbiyahe at makatipid ng oras, pera at mga resources.