(Ipinalalaan sa health services) 15% NG NAT’L TAX ALLOTMENT SHARE NG LGUS

PINAGTIBAY na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na nag-oobliga sa mga lokal na pamahalaan na ilaan sa health services ang 15% mula sa alokasyon sa pambansang buwis.

Sa botong 224 na sang-ayon at wala namang tumutol ay naaprubahan ang House Bill 10392 na nag-aamyenda sa Section 287 ng Local Government Code of 1991 .

Sa ilalim ng panukala ay inoobliga ang lahat ng mga probinsya, siyudad, munisipalidad at barangay na ilaan ang 15% ng kanilang national tax allotment share para sa mga serbisyong pangkalusugan.

Kasama sa mapopondohan sa health services ng mga LGU  ang budget para sa libreng gamot ng mga indigent o mahihirap na pasyente.

Ang panukalang ito ay salig na rin sa konteksto ng Mandanas-Garcia ruling kung saan ipapasa na sa mga LGU ang pondo at responsibilidad sa ilang mga serbisyo katulad sa health services.

Ang nasabing 15% sa annual budget ng LGUs para sa health services ay hiwalay pa sa ibang development projects sa ilalim ng Local Government Code at Special Health Fund (SHF) sa ilalim ng Universal Health Care Act (UHC).

Lubos namang nagpapasalamat ang pangunahing may akda ng panukala na si Committee on Health at Quezon Rep. Angelina ‘Helen’ Tan kay Speaker Lord Allan Velasco dahil sa suporta at mabilis na pagpapatibay sa panukala.

Punto pa ng kongresista, ngayong humaharap pa rin ang bansa sa COVID-19 pandemic ay napakahalaga ng dekalidad, accessible at mga nararapat na health services. CONDE BATAC