(Ipinalalatag kasabay ng pag-iral ng ‘new normal’) REGULASYON SA ONLINE BUSINESS

Wes Gatchalian

BUNSOD na rin ng malaking pagbabago o ang tinatawag na ‘new normal’ mula sa nararanasang COVID-19 pandemic, iginiit ng chairman ng House Committee on Trade and Industry ang pangangailangang magkaroon ng kaukulang batas o regulasyon sa lumalawak na e-commerce sector ng bansa.

Kasabay nito, pinag-iingat ni Valenzuela City 1st District Rep. Wes Gatchalian ang publiko sa pagtangkilik sa online business.

Ayon kay Gatchalian, bagama’t dati nang isinusulong o binibigyang halaga ng pamahalaan ang pagpapalakas ng e-commerce industry, ang makabagong uri ng pagnenegosyo na ito ay lalong naging popular at  nagkaroon ng malaking potensiyal sa pagpapatupad ng Luzon-wide enhanced community quarantine (ECQ).

Base sa ulat ng Malaysian financial giant Maybank kamakailan, sinabi ni Gatchalian na dahil sa lockdown ay nabago ang kilos ng mga consumer at customer kung saan mas pinipili na lamang ng mga ito na bumili o mag-order lalo ng iba’t ibang food items, gayundin ng kumuha ng serbisyo, sa online sellers.

“COVID-19 has forever changed retailing: going online is now the new normal. In fact, even brick-and-mortar stores have resorted to selling their products online,” dagdag pa ng Valenzuela City congressman.

Maging sa pananaliksik ng kanyang pinamumunuang komite, lumalabas, aniya, na sa kabila ng inaasahang pag-aalis ng ECQ at pagkakaroon na lamang ng General Community Quarantine (GCQ) pagsapit ng Mayo 16, aabutin pa  ng isang taon bago  magbalik sa dati nilang nakagawian ang mga consumer.

“Even with the eventual lifting of the ECQ on May 15, 2020 and the subsequent downgrading to GCQ of some areas, consumers will not risk or will be hesitant to spend hours inside malls, brave the traffic, dine in restaurants or walk leisurely around commercial establishments and travel. Consumers will still find comfort in continuing to utilize online transactions despite resumption of work, businesses, regular patterns of communal affairs and economic activities,” sabi pa ng mambabatas.

Subalit ikinabahala naman ni Gatchalian ang ulat ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), na itinalaga ng Department of Trade and Industry (DTI) na mag-monitor sa  online transactions, na sa Metro Manila pa lamang ay 650 ang inaresto bunsod ng mga kasong may kinalaman sa overpricing, hoarding, ghost sellers, substandard items at iba pa.

Ang nasabing pagdakip ay nangyari lamang sa panahon ng ECQ kaya maaari pa aniyang madagdagan ito, habang ang ibang CIDG-Regional Field Units lalo na sa Mindanao ay may report na may mga kasong hinahawakan na may kaugnayan din sa online selling.

Bunsod nito, iginiit ni Gatchalian na magkaroon ng kaukulang batas at regulasyon ang gobyerno sa e-commerce sector kung saan ang pangunahing layunin ay mabigyan ng proteksiyon ang mga consumer at ng mahigpit na responsibilidad ang mga online seller at  service provider. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.