(Ipinalalatag sa CSC) WORKPLACE QUARANTINE GUIDELINES

Senador Ramon Bong Revilla Jr

NANAWAGAN si Senador Bong Revilla sa Civil Service Commission (CSC) na mag-isyu ng workplace quarantine guidelines para sa mga tanggapan ng gobyerno sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Revilla, malaking bagay ang naunang inilabas na  guidelines ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Department of Trade and Industry (DTI)  para matulungan ang pribadong sektor  sa pag- ooperate habang umiiral ang enhanced  community quarantine (ECQ)  at general community quarantine (GCQ) para sa maigting na pagsaalang-alang sa kalusugan at kaligtasan ng lahat .

Kabilang  sa guidelines ng DOLE at DTI sa mga  manggagawa ay ang pagsusuot ng face mask , mandatoryong pag-check ng temperature bago pumasok sa kanilang mga trabaho at isang metrong physical distancing , gayundin ang palagiang pag-disinfect sa mga work place.

Dahil dito, hinikayat ni  Revilla, chairman ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, ang CSC na mag-isyu ng katulad na guidelines para sa government offices  na magbabalik- trabaho,  gayundin sa mga frontline worker  na makikipagtransaksiyon sa publiko.

Sa ilalim ng Omnibus guidelines na inisyu ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), lahat ng ahensiya ng gobyerno  kabilang ang government owned and controlled corporations at local government units sa mga lugar na nasa ilalim ng  ECQ  ay papayagan nang mag-operate sa ilalim ng skeleton workforce.

Habang ang government offices na nasa ilalim ng GCQ ay mag-ooperate na ng full capacity.

Giit ni Revilla, hindi pa tapos ang laban sa COVID-19 kaya dapat mahigpit na ipatupad ang protocol ng mga negosyante, manggagawa at pribadong sektor para sa kaligtasan ng lahat. VICKY CERVALES