(Ipinaliwanag ng Church leaders) TUNAY NA MENSAHE NG UNDAS AT PAGKAKAIBA SA PANANAW SA PURGATORYO

Ang tunay na layunin ng Undas ay upang mabigyan ng panahon ang mga tao na magnilay nilay sa kanilang sariling pamumuhay at pupuntahan sa sandalling mauwi na sila sa kamatayan, at matuto sa  mga mensaheng makukuha sa paggunita sa mga yumao nilang mahal sa buhay bukod sa kaalaman sa mga tradisyon na dapat nang iwaksi, at pagkakaiba naman sa paniniwala sa doktrina ng purgatoryo ng  Katoliko at Born Again Christians.

Ito ang ipinahayag ni Father Douglas Badong na Parish Priest ng Nuestra Senora de Soledad de Manila Parish.

“Bilang mga Katoliko po, tayo ay mayroon pa ring responsibilidad na alalahanin ang mga yumao nating mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng pag -aalay ng panalangin para sa kanila,”sabi ni Badong.

“Itong araw na ito sa kalendaryo ng simbahan ay ginugunita ang mga taong banal. Ang mga taong nagtagumpay sa kanilang mga pagtatiyaga, pagsunod sa kautusan ng Diyos o hangarin ng Diyos,”dagdag pa niya.

Sa kabilang banda, ipinaliwanag din ni Badong na hindi naman kabilang sa itinuturo ng Katoliko ang ilang tradisyon o selebrasyon katulad ng Halloween.

“Kaya po baka mamayang gabi marami na naman yung maglilibot naka-costume ng mga masasamang element, hindi po iyon kaaya aya sa atin bilang Katoliko.Hindi rin  kailangan yan,” sabi niya.

Pagdating naman sa ginagawa ng iba na naglalagay ng pagkain sa altar, niliwanag ni Badong na hindi rin yan kabilang sa itinuturo ng Katoliko bagamat  posibleng makatulong  yan at maging motibasyon sa mga tao na pagdasalan ang kanilang mga maahal sa buhay upang matulungan ang mga ito habang nasa purgatory.

“Yang mga ganyang paglagay ng pagkain sa altar hindi naman talaga kaila­ngan. Although makakatulong ito para makapagdasal sila sa mga yumaong namatay.Muli nilang alalahanin, halimbawa ang mga magulang nila. Ano ba yung mga bilin ng mga magulang nila na hanggang ngayon hindi nila tinutupad,” sabi ni  Father Badong.

“Kasi hindi lang po basta alay tayo ng alay ng ganu’ng mga bagay mga pagkain, tapos hindi rin kayo okay ng mga pamilya na dapat mas binibigyan mo ng pagkain, so magandang paalala din po yun,”dagdag pa ni Badong.

Kailangan aniyang mas pagtuunan ng pansin ang mga buhay at alalahanin kung ano ang mga mensahe na ipinapagawa ng mga namatay, sabi ni Badong.

Ang itinuturo aniya ng Katoliko sa kuwestyon ng purgatory ay isang bahagi ng langit.”Kailangan muna natin, siyempre may mga nagawa tayong mali. Pag sa buhay mo naging masama ka tapos bigla kang sa hu­ling oras naging mabuti ka. Although ‘yun naman talaga kailangan makapagsisi ka ng kasalanan.Kailangan makapagbalik ka sa Diyos.Pero kailangan munang linisin ang mga mantsa sa pagkatao bago tayo tuluyang makapasok sa langit,” ayon kay Badong.

Sa doktrina ng Katoliko sa purgatory, paliwanag niya tinutulungan aniya ng mga kaanak ang mga mahal nila sa buhay na humingi ng tawad.

“Lalong lalo na yung mga nagawan ng masama o may kasalanan sa iyo.Kapatid mo, magulang mo, na pinaparating na pinapatawad mo na siya. Malaking bagay po yun. So yun. Ang purgatory ay bahagi lang po ng langit.So ‘pag natapos ang panahon natin doon, langit ang punta,” sabi ni Badong.

Hindi rin hinihikayat ng Born Again ang selebrasyon ng Halloween sapagkat ito ay taliwas sa turo ng ganitong Christian faith sapagkat ang practice umanong ito ay maaari pang makapag- imbita ng masamang espiritu.

Ipinaliwanag din ni Pastor Joel Tabliga ng Migrant Church of Christ ang kaibahan ng paniniwala ng Roman Catholic sa Born Again Christians pagdating sa purgatoryo.

Ayon kay Tabliga, walang nakasaad hinggil sa purgatoryo sa Bibliya.Sa turo  ng Born Again Christians, walang maaaring makatulong na kamag anak o ninuman  sa pagpunta sa langit ng yumaong kaanak kung hindi ang mismong  tao lamang ang tutulong sa sarili niya na makarating sa langit na magagawa niya lamang habang nabubuhay pa siya.Oras na hindi niya magawa ang mga nakasaad sa Bibiliya sa turo ng Panginoong Hesus sa tamang pamumuhay ay maaaring impyerno ang kasadlakan ng isang tao na hindi na maaaring masagip pa oras na mamatay na ito.

Sa doktrina ng Born Again Christian Faith, ang mga paraan lamang upang makarating sa langit ang isang tao  ay kailangan aniya ay gawin niya habang nabubuhay pa siya. Kabilang dito ang pagpapanatili ng isang tao ng kabutihan at kabanalan ayon sa salita ng Diyos, magsisi ng mga kasalanan, iwasan ang paggawa ng kasalanan at tanggapin ang panginoong Hesukristo na kanilang tagapagligtas habang nabubuhay pa.

“Sa Luke 16 , dalawa lang po ang destinasyon ng tao, either hell or heaven, wala pong in between,” sabi ni Tabliga.

”Ang Undas naman po ay not necessarily wrong.Ito lang po ay pag -alala natin sa mga pumanaw na mga mahal natin sa buhay,”dagdag pa ni Tabliga.

“Tandaan din po natin na sana sa tuwing ginugunita natin ang araw ng mga patay sa pagpunta natin sa  mga puntod ipinakikita natin ang mga picture nila isang araw tayo din ay hahantong sa ganung kalaga­yan.Kaya maganda na ang makapagnilay tayo ano ang ginagawa natin sa buhay natin ngayon na alam natin isang araw mawawala rin tayo sa mundo,” sabi naman ni Badong.

MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA