TINANGGAP ng 700 magsasaka at mangingisda sa Batangas ang P50,196,859.10 halaga ng ayuda at interbensiyon sa launching ng FY 2022 Rice Competitiveness Enhancement Fund- Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA), Fuel Discount Program for Corn Farmers and Fisherfolk, at Distribution of Department of Agriculture (DA) interventions, sa Batangas City Coliseum nitong Mayo 25.
Sa pangunguna nina DA Secretary William Dar, Ph.D.; DA Assistant Secretary for Operations at DA IV-Calabarzon Regional Executive Director Engr. Arnel de Mesa; at DA Assistant Director for Operations and Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) IV-A G. Sammy Malvas, tinanggap ng mga magpapalay ang tig-P5,000 na ayuda mula sa RCEF-RFFA at ng mga magmamamais at mangingisda ang tig-iisang fuel discount cards na naglalaman ng P3,000.
Ang RCEF-RFFA ay patuloy na ipinatutupad alinsunod sa Republic Act (RA) No. 11203 o ang Rice Tariffication Law (RTL) at RA No. 11598 o ang Cash Assistance for Filipino Farmers Act kung saan ang pagbibigay ng sobrang taripa ay mandato taon-taon na ipinagkakaloob at maaaring asahan ng mga maliliit na magpapalay hanggang sa matapos ang implementasyon ng mga programa.
Samantala, ang pamamahagi ng fuel discount cards ay bahagi ng RA 11639 o ang Special Provision No. 20 of the General Appropriations Act of 2022 na naglalayong tulungan ang mga magmamais at mangingisda na maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng gasolina sa kanilang kabuhayan.
“Pinapasalamatan ko ang lahat ng mga magsasaka at mangingisda sa patuloy na pagsisikap at pagbibigay ng pagkain para sa ating bansa. Tunay ngang sa pamamagitan ng ating pagkakaisa ay kaya nating maabot ang food security at pag-unlad ng agrikultura. Mabuhay and congratulations po sa lahat,” ani Dar.
Ilan sa mga naipamahaging interbensiyon ay ang combine harvester; corn tractor; pump and engine set for STW; walk-behind transplanter; biosecured and climate controlled finisher Operation facility; rice certified seeds; hybrid yellow and white glutinuous corn seed; iba’t ibang fruit seedlings; inorganic, organic, at foliar fertilizers; plant growth enhancer; calcium nitrate; at mga kagamitang pansaka sa 39 Farmers Cooperatives and Associations.
“Malaking tulong sa aming mga magsasaka ang iba’t ibang ayuda at suporta mula sa pamahalaan.
Salamat po sa patuloy na pagtulong ng DA sa mga magsasaka at sa pagsusumikap na mas paunlarin pa ang pagsasaka,” sabi ni Tinbugan Farmers’ Association chairman Napoleon de Chavez, mula sa Rosario, Batangas.