(Ipinamahagi ng DA) FUEL SUBSIDY SA FARMERS

NAGSAGAWA ang Department of Agriculture (DA) sa Gitnang Luzon, sa pangunguna ng Field Operations Division, ng caravan sa Tarlac para sa pagkakaloob ng fuel subsidy sa mga magsasaka ng lalawigan kamakailan sa Bulwagan ng Kanlahi Diwa ng Tarlak, Tarlac City, Tarlac.

Ang subsidiya ay magsisilibing tulong sa mga magsasakang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng krudo sa nakalipas na panahon.

Dumalo sa caravan ang Regional Executive Director ng DA Gitnang Luzon na si Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr., Tarlac Governor Susan Yap, Tarlac Vice Governor Carlito David, at iba pang mga kawani mula sa DA at lokal na pamahaan ng Tarlac.

Naging katuwang ng DA ang Development Bank of the Philippines (DBP) sa pamamahagi ng mga Fuel Assistance Card na may laman na P3,000 at maipagpapalit sa diesel o gasolina sa lahat ng malapit na gas station na tumatanggap ng card payments o kaya ay gumagamit ng Portable Card Machines o PCM.

Sa unang araw ng caravan ay tinatayang nasa mahigit 500 kuwalipikadong magsasakang gumagamit o nagrerenta ng mga makinaryang pansaka para sa mais at gulay ang napagkalooban.

Sa kabuuan, inaasahang nasa 2,410 magsasaka ang mabibiyayaan ng subsidiya sa krudo sa buong lalawigan.

Namahagi rin ang Department of Agriculture – Northern Mindanao (DA-10), sa pangunguna ni Regional Executive Director Jose Apollo Y. Pacamalan ng P2.934-million na fuel subsidy sa mga magsasaka na nagrerenta ng mga makinaryang pansaka para sa produksiyon ng pagkain.

Noong August 19, sa Gymnasium and Cultural Center, may 978 eligible farmers ang tinanggap ang kanilang subsidiya na nagkakahalaga ng P3,000 bawat isa.

Ang eligible recipients ay individual farmer o farmer-member ng isang Farmer Cooperative, Association (FCA) na may katibayan ng machinery ownership o rental agreement na naka- upload sa Agricultural and Biosystems Engineering Management Information System (ABEMIS). Kailangan din silang nakalista sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).