(Ipinamahagi ng DA) P2.5-B TULONG SA FARMERS, FISHERS

AABOT sa P2.5 bilyong halaga ng tulong, kabilang ang farm inputs, mga hayop, makinarya, post-harvest facilities, bangka, at fishing gear, ang ipinamahagi ng Department of Agriculture (DA) noong Huwebes sa mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan ng Cagayan at Isabela.

Pinangunahan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pamamahagi ng naturang interventions sa mga magsasaka at mangingisda sa nasabing mga lalawigan.

Nakatanggap din ng financial assistance ang libo-libong magsasaka at mangingisda sa Cagayan at Isabela.

Ang Cagayan at Isabela ay parehong itinuturing na major producers ng bigas at mais. Umaabot sa P1.3 bilyon ang alokasyon ng DA para sa naturang interventions at P1.337 bilyon naman ang alokasyon para sa tulong pinansiyal sa mga magsasaka at mangingisda.

Paliwanag ni Tiu Laurel, karamihan sa pondo para sa interventions ay mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na galing sa taripa ng imported na bigas.

“The assistance in the two provinces reaffirms President Ferdinand Marcos Jr.’s administration commitment to fostering the development of the farm sector,” sabi ni Tiu Laurel.

Ang event ay dinaluhan ng local government officials at lawmakers, kabilang sina Cagayan Vice Governor Marvin Vargas, Tuao Mayor William Mamba, Iguig Mayor Ferdinand B. Trinidad, Isabela Governor Rodolfo Albano III, Ilagan City Mayor Jose Mari Diaz, at Isabela Rep. at House Deputy Speaker Antonio Albano.

“We are providing in-kind support that will ensure the success of the dry season planting for calendar year 2024 and enhance the productivity and income of our farmers across multiple programs.The interventions will enhance farmers’ capacity to meet the increasing demand for rice through higher productivity and improved farm resilience,” sabi ni Tiu Laurel.

Kabilang din sa mga ipinamahagi ng DA sa Cagayan at Isabela ay mga hybrid na bigas, mais, mani, fertilizers piglets o mga biik at feeds para sa swine repopulation program; at fingerlings, bangka, at iba pang fishing gear.

Samantala, isa sa isinusulong ni Tiu Laurel sa modernisasyon ng agrikultura sa bansa ay ang mechanization.

Sa pamamagitan, aniya, ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization ay nakapag-inaugurate sila ng isang rice processing systems (RPS) na nagkakahalaga ng P114.5 million sa Naguilian, Isabela.

Ang ilan pang proyekto sa ilalim ng programa ay ang agricultural machinery, equipment, facility at Infrastructures — kabilang ang water impounding at diversion dams, hauling trucks, cassava granulators — na nagkakahalaga ng P65.7 million.

Namahagi rin ang DA ng indemnity mula sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIP), fuel subsidies, at financial assistance sa mga magsasaka sa ilalim ng RCEF. Itinaon din ni Tiu Laurel ang inagurasyon ng Mega KADIWA ng Pangulo outlet sa Ilagan City.
Ma.Luisa Macabuhay-Garcia