PATULOY sa pagbuhos ang tulong ng gobyerno para sa mga biktima ni Super Typhoon Pepito, kung saan namahagi sina Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. at Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma ng initial cash payouts sa mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay Para sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) program sa Catanduanes noong nakaraang Nobyembre 20.
Ayon kay Presidente Marcos, nakahanda ang pamahalaan na suportahan ang mga Pilipino na naapektuhan ng mga bagyo hanggang tuluyan silang makabangon.
Samantala, nagsagawa si DOLE Secretary Laguesma ng assessment sa kalagayan ng mga manggagawa sa Catanduanes na sinalanta ng mga nagdaang bagyo.
Sa kanyang pagbisita, may P303,888 halaga ng TUPAD wages ang ipinamahagi sa 48 workers sa bayan ng Panganiban, kung saan ang bawat manggagawa ay tumanggap ngP 5,925 para sa 15 araw na serbisyo.
Nangako rin si Secretary Laguesma na ipalalabas ang P6.1 million na wages para sa 964 TUPAD beneficiaries sa iba pang mga bayan ngayong linggo.
Inilalatag ang mga karagdagang tulong sa ilalim ng TUPAD program upang suportahan ang libo-libong displaced workers na naapektuhan ng mga bagyo. Kabuuang P47.9 million na tulong para sa rehabilitasyon ng mga apektadong komunidad ang nakatakdang ipamahagi bago matapos ang taon.
Ang TUPAD beneficiaries ay lumahok sa iba’t ibang community development projects, tulad ng clearing activities, cleanup drives, community-based farming initiatives, pagtatanim ng disaster-resilient crops, at pagre-repack ng relief goods.
“Sa pamamagitan ng TUPAD, hindi lamang po namin nais na matugunan ang inyong agarang pangangailangan, kundi mabigyan din kayo ng pagkakataon na maging bahagi ng sama-samang pagbangon ng inyong komunidad. Ang inyong ginawang paglilinis, pagkukumpuni, at iba pang gawain ay isang mahalagang ambag para sa muling pagbangon ng Catanduanes,” pagbibigay-diin ni Laguesma.
Ang TUPAD Program ay nagkakaloob ng emergency employment para sa disadvantaged workers, at nag-aalok ng 10 hanggang 30 araw ng community work, lalo na sa panahon ng kalamidad, upang tulungan ang mga benepisyaryo na i-rehabilitate ang kanilang mga komunidad.