(Ipinamahagi ng DSWD)P38.1-M AYUDA SA OIL SPILL-HIT FAMILIES

MAHIGIT sa P38.1-million na cash aid ang ipinagkaloob sa mga pamilya na naapektuhan ng oil spill sa Naujan, Oriental Mindoro, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sinabi ni DSWD Spokesperson Assistant Secretary Rommel Lopez sa Tele Radyo na ang ayuda ay ipinagkaloob sa mga pamilya sa Oriental Mindoro, sa Agutaya town sa Palawan, at sa Caluya sa Antique.

“Dito po sa ating P38.1 million, kasama po dito yung ating mga family food packs, at ganoon din po, ‘yung atin pong pinamamahagi naman doon sa ating sa assistance to individuals in crisis situations,” sabi ni Lopez.

“So doon po tayo sa ating cash aid, nasa 5,961 beneficiaries na po ‘yung natutulungan na natin sa Oriental Mindoro, ganoon din po sa Agutaya po sa Palawan at meron din po sa Antique.”

Dagdag pa niya, pagdating sa Assistance to Individuals in Crisis Situations ay nasa P19.4-million na ang naipamamahaging tulong ng ahensiya sa mga apektadong pamilya.

Ayon kay Lopez, may 47,000 food packs na rin ang naipagkaloob sa mga apektadong pamilya.