SINIMULAN na kahapon ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong sa pangunguna ni Mayor Ben Abalos ang kanilang tradisyonal na aktibidad na pamamahagi ng Pamaskong Handog sa bawat kabahayan sa buong lungsod ng Mandaluyong.
Nagbigay ng hudyat si Mayor Abalos ng pagsisimula ng ceremonial distribution kasama si Vice Mayor Mechie Abalos at mga miyembro ng city council sa iba’t ibang barangay ng lungsod.
May kabuuang 350,000 plastic box na naglalaman ng bigas, asukal, mga de-lata at iba pang pagkain, ang inimpake at naihatid sa bawat barangay sa nasabing lungsod.
Pagkatapos ng ceremonial distribution, ipagpapatuloy ng bawat barangay captain ang pamamahagi ng mga pamaskong handog sa bawat sambahayan na nasasakupan nila.
Nakiisa sa pamamahagi si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, na tubong Mandaluyong City, at namahagi rin sa ilang kabahayan sa Geapson Compound sa Barangay Highway Hills.
Sinabi ni Mayor Abalos na ang tradisyon ng Pamaskong Handog ay simpleng pagbibigay ng mga kalakal na inilagay sa mga balde nang siya ay maging lokal na punong ehekutibo ng Mandaluyong noong 1986.
Bago ang pandemya, taunang ginaganap ang pamaskong handog ng lungsod sa City Hall complex, kung saan personal na kinukuha ng mga residente ang mga Christmas goods na nakalagay sa loob ng mga balde. Sa kalaunan ay nagpasya ang lokal na pamahalaan na ibahin ang klase ng “ayuda” na istilo ng pagbibigay ng regalo kapag ipinagbabawal ang mga gawaing harapan dahil sa banta ng COVID-19. ELMA MORALES