(Ipinanawagan ni Cardinal Tagle) PANALANGIN PARA SA MGA BIKTIMA NG LINDOL

Archbishop-Tagle

NANANAWAGAN si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle mula sa mga mamamayan ng panalangin para sa mga residente ng Min­danao na naapektuhan ng naganap na paglindol kahapon.

Ayon kay Tagle, mahalaga ang panalangin para sa katatagan at kaligtasan ng mga biktima ng 6.6 magnitude na lindol na kasalukuyang nakararanas ng trauma partikular ang mga lugar na labis na napinsala.

“Nanawagan kami sa inyong lahat, una, panalangin sa Panginoon sa kaligtasan ng ating mga kapatid na naapektuhan ng lindol,” pahayag ni Tagle, sa pana­yam ng church-run Radio Veritas.

Hiling pa ng cardinal sa Diyos na protektahan ang mamamayan ng Mindanao mula sa matitin­ding pinsala at patuloy na pagyanig bunsod ng mga aftershock.

Umaasa rin si Tagle na maging bukas ang buong sambayanan sa paglingap sa mga biktima gayundin sa mga gusali at simbahang nasira ng malakas na pagyanig.

“Kapag nanawagan ang mga Dioceses, mga parokya sa lugar na ‘yun, sana ay ma­ging bukas palad tayo sa pagtugon,” ani ng Cardinal.

Samantala, ayon naman kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, nanatili sa labas ng mga tahanan ang mga residente dahil sa pangamba sa maaring pinsala ng lindol kung saan tinatayang limang Simbahan ang naiulat na nasira.

Nanawagan din ng pana­langin ang rector ng Our Lady of Mediatrix of All Grace sa kanilang kaligtasan.

Ayon kay Father Jun Bala­tero, rector ng Kidapawan cathedral, bukas ang simbahan sa mga evacuee. ANA ROSARIO  HERNANDEZ

Comments are closed.