HINILING ni Senador Sherwin Gatchalian sa Energy Regulation Commission (ERC) na magpalabas ng kautusan para payagan ng power utilities ang utay-utay na pagbabayad ng mga consumer sa gitna ng biglang pagtaas ng electricity bills.
Sa isang radio interview, sinabi ni Gatchalian na ginawa na ito noong COVID-19 pandemic, nang bigyan ang mga power consumer ng grace period para bayaran ang kanilang bills nang utay-utay nang walang interest, penalties, at iba pang karagdagang charges.
“Bigyan ng option ang mga consumers natin na magbayad ng staggered payment. Noong pandemic, natatandaan ko, umabot pa nga ng mga two or three months yung staggered payments,” sabi ni Gatchalian.
“Habang staggered, obviously, huwag munang putulan ng koryente at ‘yung ating mga consumers huwag ding i-charge ng interest payments.”
Binigyang-diin ni Gatchalian na ang biglang pagtaas sa electricity bills ay makaaapekto sa maraming power consumers na naglalaan ng fixed budgets para sa kanilang monthly expenses.
Aniya, maging sa kanyang sariling kabahayan ay tumaas ng halos 50 percent ang electricity bill dahil sa mainit na panahon.
Sa kasagsagan ng pandemya, hinikayat ng ERC ang mga customer na magbayad ng kanilang electricity bills sa oras upang matulungan ang energy companies sa kanilang cash flow.
Hinimok din ng Commission ang mga kompanya noong mga panahong iyon na magbigay ng insentibo para sa maagang pagbabayad.
(PNA)