(Ipinanawagan sa gitna ng global outbreak ng bird flu) POULTRY IMPORT BAN

NANAWAGAN ang Samahang Industriya  sa Agrikultura (SINAG) sa pamahalaan na ihinto ang lahat ng chicken at  poultry imports sa gitna ng mga ulat ng outbreak ng severe bird flu sa Asia at Europe.

“Dapat natuto na tayo sa African swine fever (ASF) at sa COVID-19 pandemic. Nakita natin ang kahalagahan ng masusing pagbabantay sa mga papasok sa bansa,” pahayag ni SINAG chairman Rosendo So sa isang statement.

Ayon kay So, ang kasalukuyang  global outbreak ay nakababahala dahil nasa 21 human infections sa China ng H5N6 subtype ng avian influenza na ang naiuulat, mas mataas sa buong 2020.

Bukod dito, sinabi niya na ang outbreak “is now closer to us than it was a few days before.”

Tinukoy ang mga report, sinabi ng SINAG na iniulat ng South Korea ang outbreak sa isang farm ng may 770,000 poultry sa Chungcheongbuk-do.

Iniulat din ng Japan ang unang outbreak nito sa isang poultry farm sa north-east ng bansa.

Ayon pa sa grupo, sa Europe ay iniulat na ng Norway ang H5N1 bird flu outbreak sa Rogaland region sa 7,000 ibon.

Ani So, may inilaan nang pondo magmula noong 2019 para sa pagtatayo ng unang border inspection facilities, ngunit wala pa ring naitatayo kahit isang inspection facility, taliwas sa itinatakda ng RA 10611, o ang Food Safety Law of 2013.

“We are the only country that is not applying the global standard of quarantine inspection at the port of first entry of any imported food, food products and agricultural commodity to ensure food safety and public health security, amidst the global COVID-19 pandemic,” aniya.

“We demand a no quarantine inspection of chicken and all other agricultural commodities at the port of first entry would mean no entry of imports,” dagdag pa ni So.