Ito ay sa gitna ng tumataas na halaga ng raw materials na ginagamit sa paggawa ng pandesal.
Ayon sa Philippine Federation of Bakers Association, dapat payagan ng gobyerno ang community bakers na itaas ang presyo ng regular pandesal sa P4, at ang jumbo pandesal sa P8.
“The real value of pandesal is a part of Filipino culture, a part of our tradition. Nanganganib po ito na mawala dahil ‘yung main producers nito, ‘yung community bakers, ay hardly affected by this crisis,” sabi ni Chito Chavez, tagapagsalita ng grupo.
Iginiit naman ni Princess Lunar, director ng Asosasyon ng Panaderong Pilipino, na kailangan na nilang magtaas ng presyo para mapanatili ang kalidad ng kanilang produkto at mapanatiling buhay ang kanilang mga negosyo.
“Napakasakit po ‘yung pagtaas ng presyo ng mga raw material. Kaya ho ang daming community bakery ang nagsara na dahil hindi na kaya ang mga presyo,” aniya.
Sinabi pa ni Lunar na natatakot silang magtaas ng presyo dahil baka lumipat sa ibang bakery na nag-aalok ng mas mababang presyo ang kanilang mga customer.
May ilang panadero rin, aniya, ang nililiitan na lamang ang kanilang pandesal para maka-survive.
“‘Yan na po kasi ang naisip na paraan ng mga community bakery para kahit papaano ay makaahon po kami at makapagpatuloy ng negosyo. Ito hong tinatawag nating pambasang tinapay ay bumababa ang kalidad,” dagdag pa niya.
Sa kasalukuyan, ang presyo ng regular na pandesal ay nasa P2 hanggang P2.50 kada piraso, at ang kaunting pagtaas sa presyo na kanilang hinihingi ay makatutulong umano para mapagaan o mabawi ang mataas na halaga ng raw ingredients tulad ng harina, asukal at mantika.
“Ang presyo ho sana natin ay umangat ng P8 hanggang P10. Pero sa ngayon po dahil lahat tayo ay naaapektuhan, P4 lang hinihingi naming community bakery,” sabi pa ni Lunar.