(Ipinanawagan sa gobyerno) MAS MABIGAT NA PARUSA SA SMUGGLING

NANAWAGAN ang Federation of Philippine Industries (FPI) sa gobyerno na ideklara ang smuggling bilang economic sabotage o krimen na walang piyansa.

Ayon sa FPI, ito ay dahil ang ipinagbabawal na kalakalan ay nakapipinsala sa lokal na ekonomiya at nagpapaliit sa kita ng gobyerno.

Sa flyer nitong “Fight Illicit Trade” ay inihalimbawa ng FPI ang pagpupuslit ng sigarilyo na umaagaw sa bilyon-bilyong pisong buwis ng pamahalaan, nagpapaigting ng kriminalidad, pumipinsala sa kalusugan ng mga mamimili at nagpapaliit ng pondo para sa mga programang pangkalusugan at suporta para sa mga magsasaka ng tabako,

Inamin ni Assistant Secretary Carlos C. Carag ng Department of Agriculture Inspectorate and Enforcement Office (DAIE) sa National Anti-Illicit Trade Summit na ginanap sa Manila Hotel noong Hulyo 25, 2024 na ang pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura ay malaking banta sa kabuhayan ng mga magsasaka at mga mangingisda at matinding panganib para sa kalusugan at kaligtasan ng mga mamimili.

Aniya, ang mga puslit na pagkain ay hindi dumadaan sa kontrol at inspeksiyon sa kalidad, hindi nagbabayad ng buwis at nagpapahina sa lokal na produksiyon ng pagkain.

Ito ay hindi patas sa mga lokal na magsasaka at dapat ituring na economic sabotage, ani Carag.

Ibinunyag naman ni Charlito Mendoza, Undersecretary ng Department of Finance, sa nasamsam ng Bureau of Customs ang 204 shipments na nagkakahalaga ng mahigit P41.5 bilyon sa unang anim na buwan ng 2024.

Kasama sa mga ito ang P19 bilyong halaga ng pekeng kalakal, mahigit P13 bilyon ng general merchandise at mahigit P5 bilyong sigarilyo at produktong tabako.

Sinabi ni Paul Oliver Pacunayen, acting chief ng Intellectual Property Rights Division ng Bureau of Customs, na ang mga nangungunang nasamsam na kalakal ng ahensiya ay sigarilyo, ilegal na droga, pekeng produkto, produktong pang-agrikultura at general merchandise.

Ayon sa FPI, 20 porsiyento ng mga sigarilyong ibinebenta sa Pilipinas ay ilegal. Ito, aniya, ang dahilan kung bakit ang koleksiyon ng excise tax ng tabako ay bumaba ng P41 bilyon sa nakalipas na dalawang taon.

Sinabi ni Bienvenido Oplas Jr., presidente ng Bienvenido S. Oplas Jr. Research Consultancy Services at Minimal Government Thinkers, na tumindi ang smuggling ng sigarilyo matapos lumampas sa P50 kada pakete ang tobacco excise tax.

Ayon kay Oplas. base sa Laffer Curve, ang mataas na antas ng buwis ay maaaring humantong sa mas mababang kita ng pamahalaan. Katunayan, ang koleksiyon ng pamahalaan ay umabot, aniya, sa P176.5 bilyon base sa buwis na P50 kada pakete noong 2021.

Nang itaas ang antas ng buwis sa P55 bawat pakete noong 2022, ang kita ng gobyerno ay bumaba sa P160.3 bilyon.

Sa buwis na P60 kada pakete noong 2023, bumagsak ang koleksiyon sa P134.9 bilyon.

Dahil dito, kinapos ang kita ng gobyerno ng P49.3 bilyon noong 2022 at ng P109.2 bilyon noong 2023.

Ayon kay Jesus Montemayor, presidente ng FPI, ang smuggling at ipinagbabawal na kalakalan ay hindi lamang maituturing na krimen sa ekonomiya, kundi banta rin sa lipunan na sumisira sa tiwala ng publiko sa pamahalaan at nagkokompromiso sa kalidad at kaligtasan ng mga produkto.
VICKY CERVALES