MULING nanawagan ang grupong Filipino Nurses United (FNU) sa pamahalaan na isaayos ang kondisyon ng mga nurse sa bansa, kabilang ang pagkakaloob ng P50,000 basic salary kada buwan.
Ito’y upang mahikayat ang kanilang mga kasamahan na manatili sa Pilipinas, sa halip na mangibang-bansa.
Ayon kay FNU Vice President Eleanor Nolasco, ang hinihinging ‘entry salary’ na P50,000 sa pampubliko at pribadong nurses ay makatutulong na mamuhay sila ng disente, lalo’t mahalaga ang kanilang papel sa promosyon at proteksiyon ng kalusugan ng mga Pinoy.
Sa ngayon ay mahigit 100,000 nurses sa private sector ang sumasahod lamang umano ng P537 kada araw sa Metro Manila habang mas mababa pa sa labas ng National Capital Region o kumpara sa minimum wage na P570 sa NCR.
Ani Nolasco, bagaman P35,000 ang minimum salary sa public hospitals, matindi naman ang sakripisyo ng mga nurse dahil sa dami ng trabaho at pasyente.
Sinabi rin ni Nolasco na may pondo naman para sa salary hike at pagkuha ng dagdag 42,000 nurses ang pamahalaan na maaaring hugutin sa ‘unprogrammed funds’.
Samantala, suportado ni Department of Health (DOH) Officer-In-Charge, Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang panawagan ng FNU at iginiit sa Department of Budget and Management (DBM) at mga mambabatas na gumawa na ng hakbang para maisabatas ito.
DWIZ 882