DAPAT na maitaas ang sahod at maiayos ang working condition ng mga nurse sa Pilipinas.
Ito ang binigyang-diin ni Maristela Abenojar, pangulo ng Filipino Nurses United, upang matugunan ang kakulangan ng mga nurse sa bansa.
Sa katunayan, aniya, ay nasa P570 ang arawang sahod ng mga nurse sa private hospital sa Metro Manila at mas mababa pa sa nasabing halaga ang natatanggap na sahod ng mga nasa probinsya.
Sinabi pa ni Abenojar na hindi makatarungan ang tinatanggap na sahod ng mga nurse sa bansa, kung saan tila hindi, aniya, sila mga propesyonal.
Iginiit pa ni Abenojar na ang Pilipinas ang may pinakamababang pasahod sa mga nurse sa buong Asya.
Umaasa naman ang pangulo ng Filipino Nurses United na maitaas sa P50,000 ang entry salary ng mga nurse sa Pilipinas.
Samantala, patuloy na nagkakaubusan ang mga nurse at health care worker sa bansa dahil sa pagkuha ng mga oportunidad sa ibang bansa.
Sinabi sa programa ng Todong Nationwide Talakayan (TNT) ni Melvin Miranda, presidente ng Philippine Nurses Association, na mas naging agresibo ang pagre-recruit ng mga nurse, lalo na sa mga kompanya sa ibang bansa.
DWIZ 882