(Ipinanawagan sa pamahalaan) BOOSTER SHOTS SA PRIVATE SECTOR

SUPORTADO ni Senador Sonny Angara ang panawagan ng pribadong sektor na bigyan sila ng booster shots kontra COVID-19 para sa kanilang mga empleyado.

Ayon kay Angara, ngayong estabilisado na ang suplay ng COVID-19 vaccines sa bansa, nararapat lamang na maibigay ang booster shots sa mga nangangailangan nito.

Si Angara ang nanguna sa pagpasa at tumayong sponsor ng COVID-19 Vaccination Program Act na naging dahilan upang mas mapabilis ang pagkakaloob ng bakuna sa publiko.

Ayon kay Angara, dahil sapat na ang suplay ng bakuna, malaki rin ang kakayahan ng gobyerno na mabigyan ng booster shots ang mga manggagawang nabibilang sa pribadong sektor.

Sa nagkakaisang pahayag ng mga business organization sa bansa, hiniling nila sa pamahalaan na dahil may oversupply naman ng vaccines, kung maaari ay magamit nila ito para naman mapangalagaan ang kalusugan ng kanilang mga empleyado at ng pamilya ng mga ito.

Ani Angara, rasonable ang pakiusap na ito ng pribadong sektor lalo pa’t may mga ulat na marami sa mga dumating na bakuna sa bansa ay malapit nang mag-expire.

“Alam natin na marami pa sa adult population natin ang nananatiling hindi pa bakunado. Kaya nananawagan tayo sa kanila na magpabakuna na sa lalong madaling panahon sapagkat malaking tulong ito para maiwasan natin ang malalang epekto ng COVID sakaling tamaan tayo ng karamdamang ito,” anang senador.

Gayunman, ani Angara, kailangan ding bigyang-pansin ang mga COVID vaccine na malapit nang mag-expire at ibahagi na lamang ang mg ito sa private sector upang magsilbing booster shot.

“Ikonsidera sana ng gobyerno ang panawagang ito ng pribadong sektor. Sa ganitong paraan, mas mapangangalagaan natin ang kalusugan ng mga manggagagawa. At dahil muli nang sumisigla ang ating ekonomiya, higit na mas kailangan ngayon na mabigyan ng booster shots ang mga na­bakunahan,” dagdag pa ni ­Angara. VICKY CERVALES