(Ipinanawagan sa pamahalaan) SRA SA BRGY HEALTH WORKERS

Joey Sarte Salceda

HINILING ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda sa pamahalaan na maisama sa mabibigyan ng special risk allowance (SRA) ang barangay health workers (BHWs).

Nanawagan si Salceda sa Department of Health (DOH), Department of Budget and Management (DBM) at sa Office of the President na baguhin ang Administrative Order 36 kung saan gawing eligible para sa SRA ang BHWs na hindi naman nakatalaga sa  health care facilities pero direkta namang gumaganap sa contact tracing at pamamahagi ng home care packages para sa mga nagpositibo sa sakit.

Ayon kay Salceda, ang repasong gagawin ay isama ang BHWs na direktang nakatalaga sa local COVID-19 efforts sa mga komunidad.

Giit ng kongresista, ang BHWs ay lantad din sa panganib na mahawaan ng impeksiyon lalo’t sila ang nangunguna sa face-to-face at door-to-door na aspeto ng pagtugon sa COVID-19.

Sinabi pa ng mambabatas na ang BHWs ang “backbone” sa pagtugon ng bansa sa COVID-19 lalo na ngayong may Omicron variant na karamihan sa mga kaso ay mild lang at nasa pangangalaga ng mga tahanan.

Sa kasalukuyang guidelines ay tanging BHWs na nakatalaga sa health care facilities ang eligible na makatanggap ng SRA. CONDE BATAC