(Ipinanawagan sa supermarkets, retailers) HIRING NG WORKERS

Rep Johnny Pimentel

NANAWAGAN si Deputy Speaker at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel sa malalaking supermarkets at retailers sa bansa na mag-hire ng temporary at part time na mga empleyado mula sa ibang mga industriya.

Kasabay nito ay ang paghimok ni Pimentel sa top retailers ng bansa na tularan ang ginawa ng isa sa pinakamalaking retail corporation sa Estados Unidos na nag-hire ng nasa 200,000 temporary at part time workers sa kabila ng COVID-19 pandemic.

Paliwanag ni Pimentel, ang mga retailer ay  ilan lamang sa mga negosyo na bukas at kumikita ngayon dahil naririto ang essentials  o pinakamahahalagang pangangailangan ng mga tao tulad ng pagkain.

Mainam, aniya, kung magha-hire na rin ng dagdag na tauhan ang mga retailer  at supermarket  sa bansa upang makatulong din sa mga kababayang nawalan ng hanapbuhay dahil sa coronavirus.

Anang kongresista, maaaring mag-hire ng dagdag na cashiers, stockers, baggers, gayundin ng  extra personnel sa warehousing, distribution at delivery upang makamit ang mataas na demand ngayong pandemic.

Hinimok din ng kongresista ang pribadong sektor na tulungan din ang gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho sa gitna ng krisis na nararanasan ng bansa. CONDE BATAC