KAAWA-AWA ang sinapit ng isang bagong silang na sanggol nang mahulog sa tricycle makaraang ipanganak ng ginang habang papunta sa hospital sa Malabon City kamakalawa ng hapon.
Batay sa report nina SSg Baltazar Gallangi at SSg Maria Theresa Dagman kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong alas-3:50 ng hapon nang maganap ang insidente sa Tinajeros Bridge sa kahabaan ng M.H Del Pilar Street, Brgy. Tinajeros.
Sa ulat, sakay sa isang tricycle na minamaneho ni Wilfredo Soriano, 58-anyos, residente ng Blk 43 A, Lot 29, Phase 3 E2, Brgy. Longos ang 39-anyos na buntis na manganganak na para isugod sa San Lorenzo Ruiz Women’s Hospital.
Pagsapit sa tulay ay hindi na napigilan ng ginang ang sarili at nanganak ito ng isang sanggol na babae subalit sa kasamaang palad ay nahulog naman ang baby mula sa tricycle dahil sa maliit na butas nito sa sahig.
Kaagad rumesponde sa naturang lugar ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 2 saka humingi ng tulong sa Malabon Rescue team subalit, wala ng buhay ang sanggol.
Dinala ang bangkay ng sanggol sa PNP Forensic Unit para sa autopsy examination habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente. VICK TANES