(Ipinapanalangin ng Archdiocese of Manila) ARSOBISPONG MAGIGING INSPIRASYON

Archdiocese of Manila

ISANG panalangin ang inilabas  ng Archdiocese of Manila upang hilingin sa Panginoon na mabigyan sila ng bagong arsobispo na magiging inspirasyon at daan upang higit pa silang mapalapit sa Diyos.

Hinihikayat din ng Archdiocese ang mga mananampalataya na samahan sila sa pagdarasal ng  naturang ‘Prayer for a New Archbishop.’

“Heavenly Father, you have blessed our Archdiocese time and again with good, holy, learned, and wise shepherds who have led us ever closer to you,” bahagi ng panalangin.

“Aware of you profound love for us, we ask you to bless us once again.  Send us a good, holy, learned and wise man to become our next archbishop,” nakasaad pa sa panalangin.  “Inspire us, the clergy, religious, and laity to work generously with him so that we might grow together in your love and continue the good work you have begun in us for the sake of all people.”

Linggo ng gabi ay pormal nang nagtungo si dating Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa Roma upang gampanan ang isang panibagong misyon, na iniatang sa kanya ng Santo Papa, o ang pagiging Prefect for the Congregation for the Evangelization of the Peoples sa Vatican.

Bago naman tulu­yang tumulak patungong Roma, pinangunahan ni Tagle ang kanyang hu­ling banal na misa bilang arsobispo ng Maynila sa Manila Cathedral at umapela ng panalangin sa mga mamamayan.

Tiniyak din niya na ang mga Pinoy ay mananatili sa kanyang puso at patuloy na isasama sa kanyang mga panalangin sa Panginoon.

May siyam na taong naging arsobispo ng Manila Archdiocese si Tagle bago binigyan ng mas mataas na posisyon ng Santo Papa sa Vatican.

Samantala, itinalaga naman ni Pope Francis si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo bilang administrator ng Manila Archdiocese habang wala pa siyang bagong arsobispo na napipili upang pumalit kay Tagle. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.