IMINUNGKAHI ni Senador Win Gatchalian na isama sa panukalang rightsizing sa gobyerno ang isang probisyon na lilikha ng plantilla positions para sa mga kwalipikadong kontraktwal na empleyado na matagal nang ginagampanan ang parehong mga tungkulin o serbisyo sa gobyerno sa loob ng maraming taon.
“Nais kong magmungkahi na lumikha ng mga plantilla position upang ma-accommodate ang mga kwalipikadong empleyado na kontraktwal,” pahayag ni Gatchalian sa nagdaang pagdinig ng Senado sa Senate Bill 890 o ang Rightsizing the National Government Act.
Aniya, maraming contractual employees ang higit 10 taon nang ginagampanan ang kanilang mga posisyon sa gobyerno na nakatutugon sa mga requirement ng civil service.
“Maraming contractual na nandoon na for 10 years na qualified naman. Ang problema lang, walang plantilla item,” ani Gatchalian. Ang plantilla position sa gobyerno ay tumutukoy sa isang permanenteng posisyon na may nakalaan nang pondo sa taunang General Appropriations Act.
Ayon kay Gatchalian, ang rightsizing ay hindi lamang dapat nakatuon sa pagpapahusay ng takbo o operasyon sa gobyerno. Dapat din aniyang mabigyan ng tama at angkop na posisyon ang mga empleyado ng gobyerno para sa mga tungkuling matagal na nilang ginagampanan. Binigyang-diin ng senador na hindi dapat maging hadlang ang kawalan ng plantilla items sa layuning mapabuti ang serbisyo publiko.
Sa naturang consultative hearing ay hiniling din ni Gatchalian sa mga kinatawan ng Department of Budget and Management na magbigay ng mga pagtatantya sa potensiyal na matitipid ng gobyerno sakaling maipasa ang panukalang rightsizing.
Binigyang-diin ng chairperson ng Senate Committee on Ways and Means na ang anumang matitipid o savings mula sa panukalang rightsizing ay maaaring makatulong sa pagpapabuti ng pananalapi ng gobyerno nang hindi kinakailangang magpataw ng mga bagong buwis. VICKY CERVALES