PINAIIMBESTIGAHAN ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda ang “safety features” ng digital banking, gayundin ang kakayahan ng law enforcement agencies na magpatupad ng batas laban sa financial cybercrime.
Ito ay sa gitna ng paglaganap ng fraudulent online banking withdrawal kung saan ang pinakahuling biktima ay ang mga kliyente ng BDO.
Sa House Resolution 2406 ay inaatasan ang House Committee on Public Accounts na tingnan ang kapasidad ng cybercrime prevention units sa implementasyon ng anti-fraud provisions sa ilalim ng cybercrime law.
Mayroon pang isang hiwalay na resolusyon si Salceda, ang House Resolution 2407, na binibigyang direktiba naman ang House Committee on Banks and Financial Intermediaries na i-assess ang antas ng “user protection mechanism” para mapangalagaan ang mga kliyente ng banking industry sa bansa.
Sinabi ni Salceda na ang cybersecurity at “user protection” ay kulang pa rin para maprotektahan ang mga kliyente laban sa scams.
Hindi rin, aniya, naiimpormahan ang mga online user ng sapat at tama para maiwasang mabiktima nito.
Ani Salceda, malaking hamon ito sa “financial inclusion” ng bansa dahil ang mga biktima ng scam ay hindi na kukuha ng financial services.
Iginiit pa ni Salceda na dahil may service fee na sinisingil ang mga bangko sa mga kliyente, responsibilidad ng mga bangko na paigtingin pa ang kanilang security measures at serbisyo. CONDE BATAC