IPINASUSUSPINDE ng House Committee on Labor and Employment sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang implementasyon ng dalawang resolusyon nito ukol sa “No COVID-19 vaccine, No Work” policy
Dismayado ang mga miyembro ng panel sa hindi pagdalo ng kahit isa sa mga opisyal ng IATF gayong pinadalhan ang mga ito ng imbitasyon sa pagdinig na ginanap kahapon.
Dahil maraming katanungan ang hindi masagot bunsod ng kawalan ng kinatawan mula sa IATF, nagmosyon si TUCP Partylist Rep. Raymond Mendoza na suspendihin ng IATF ang resolutions 148-B at 149 o mandatory COVID-19 vaccination para sa on-site workers, sa gitna na rin ng mga batikos o puna rito.
Kinatigan naman ng chairman ng komite na si 1-PACMAN Partylist Rep. Eric Pineda ang mosyon at inihayag na agad silang susulat sa IATF para sa agarang suspensiyon ng pagpapatuoad ng nabanggit na mga resolusyon ng task force.
Giit ni Pineda, talagang hindi napag-aralang mabuti ang dalawang nasabing resolusyon.
Tutol ang mga kongresista sa polisiya dahil ang bakuna ay hindi, anila, dapat ipinipilit sa mga empleyado.
Ang dapat anilang gawin ng IATF ay ang bigyang kaalaman ang publiko tungkol sa benepisyo ng COVID-19 vaccines sa halip na gawing mandatory ang bakuna para makabalik sa trabaho. CONDE BATAC