(Ipinatatayo sa gitna ng pandemya) ONE-STOP HOSPITAL SA SENIORS

Risa Hontiveros

ISINUSULONG sa Senado ang panukalang lilikha ng ‘one-stop dedicated public hospital’ para tugunan ang lahat ng pangangailangang pangkalusugan ng mga senior citizen.

Walang babayaran ang mga maoospital na senior citizens sa ilalim ng panukalang batas na inihain ni Sen. Risa Hontiveros.

Itinutulak  ni Hontiveros ang panukala kasunod ng paglobo ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19

Sa Senate Bill No. 2086, ipinanukala ng senadora ang pagtatayo ng Philippine Geriatric Center na magiging national referral hospital para sa mga senior citizen, lalo na ang may mga malalang problema sa kalusugan at mahihirap na pamilya.

Iminungkahing maging ‘urgent’ ang bill lalo’t tumaas na naman ang kaso ng  COVID-19 at maraming senior citizen ang binabawian ng buhay sanhi ng pandemya

“Kung mayroon pong Heart Center at Lung Center, ngayon po magtatayo na tayo ng Philippine Geriatric Center o Lolo at Lola’t Center na magbibigay ng libreng gamutan sa ating mga lolo at lola na magkakaroon ng COVID-19 at ibang pangkaraniwang sakit gaya ng high blood pressure, diabetes at cancer,” pahayag ni Hontiveros

“Kailangan nating saluhin ‘yung kalusugan ng mga lolo’t lola natin na lalong nahihirapan dahil sa pandemya. Ang pinakabulnerable natin ang dapat top priority. Dapat hindi na sila ma-stress sa mga bayarin para sa mga tulad nito dahil may karapatan din sila sa kalusugan,” dagdag pa niya.

Babaguhin ang kasalukuyang National Center for Geriatric Health para gawing Philippine Geriatric Center na magbibigay ng dekalidad na medical services sa mga matatanda, kabilang na ang prevention, diagnosis, treatment, care at rehabilitation.

Ang pondo na ilalaan dito ay manggagaling sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

“Dito po ilalaan ang pondong galing sa Philhealth, para kahit sinong lolo o lola, mula sa kahit saang bahagi ng bansa, ay makakaasang matutulungan ng bagong ospital na ito. Mapa-cancer or simpleng check up man, hindi na kailangang mag-alala sa bayarin si lolo at lola,” ani Hontiveros

“Our health system must be prepared to take care of a larger number of senior citizens. The Commission on Population and Development itself reported that as of  2021, we now have more than 10 million lolos and lolas in the country. In less than 5 years we will transition to an aging population, and we must be ready to support them, “ dagdag pa niya. LIZA SORIANO

Comments are closed.