HINIMOK ni Senadora Risa Hontiveros ang Energy Regulatory Commission (ERC) na i-refund sa consumers ang ipinataw na multa sa energy players na responsable sa rotational brownouts.
Nanawagan si Hontiveros matapos na ianunsiyo ng ERC ang karagdagang power firm na pinatawan ng multa dahil sa paglabag sa pinapayagang mga araw ng pagkawala ng koryente para sa 2020 at 2021.
“Nagpapasalamat tayo sa ERC sa pag-aksiyon at pagpapanagot sa mga energy player na responsable sa rotational brownout, pero mas makikinabang ang konsyumer kung maibabalik sa kanila bilang refund ang multa na binabanggit ng ERC,” ani Hontiveros.
Kabilang sa mga pinagmulta ng ERC ang mga power generation firm na Power Asset and Liabilities Management Corp., Energy Development Corp., SPC Island Power Corp., Team Sual Corp., at Southwest Luzon Power Generation Corp.
Sa nakaraang pagdinig ng Senado sa rotational brownout, si Hontiveros ang nag-udyok sa ERC na tingnan ang pananagutan ng ilang generating companies na sabay-sabay na nag-offline o nag-derate ng kanilang kapasidad noong Mayo at Hunyo, na naging sanhi ng red alert status sa Luzon grid, rotational brownout at pag-akyat ng singil sa transmission.
“Maliliit lang itong penalties na ipinataw ng ERC, pero ang kalahating sentimong itinaas sa presyo ng koryente nitong mga nakaraang buwan ay napalaki kung pagsasama-samahin ang ibinayad ng milyon-milyong konsyumer. Hindi na halaga ang hinahabol natin dito kundi hustisya na maibalik ang dapat ay sa kanila,” paliwanag ni Hontiveros.
Halimbawa, ang P0.05kWh na pagtaas dahil sa pagtaas ng transmission o WESM charges sa bill ng Meralco ay katumbas ng P350,000 para sa isang kWh kapag inilabas mula sa bulsa ng lahat ng 7 milyong customer nito.
“Ngayon, consumers naman ang maniningil. Refund ang magpaparamdam sa kanila na may nanagot at may nasingil sa kapabayaan at kapalpakan sa rotational brownout,” dagdag pa ng senadora.
Kabilang sa mga agenda ni Hontiveros ang mapababa ang presyo ng koryente sa bansa. Noon pa ma’y aktibo siyang lumalahok sa mga imbestigasyon ng Senado sa iba’t ibang power issues, kabilang na ang maanomalyang paggastos at kontrol ng China sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), bill shocks at rotational blackouts.
Naghain din siya ng Proposed Senate Resolution 746 na naglalayong imbestigahan ang pagkabigo ng mga ahensiya ng gobyerno na ibaba ang singil sa koryente 20 taon matapos ang pagsasabatas ng Electric Power Industry Reform Act o EPIRA.
Inihain din ni Hontiveros ang Senate Bill No. 2435 upang isama ang pagpopondo ng solar home system sa housing loan sa socialized housing sector upang matiyak ang access a murang source ng koryente sa relocation areas at matustusan ang renewable energy. VICKY CERVALES