NAGPATUPAD ang Department of Agriculture (DA) ng fishing ban sa 16 lugar na apektado ng oil spill.
Kasunod ito ng tatlong insidente ng maritime na kinasangkutan ng paglubog ng motor tanker (MT) Terra Nova sa Limay, MTKR Jayson Bradley, at MV Mirola 1 sa Mariveles.
Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, ang fishing ban ay ipinatutupad sa ilang lugar sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon, na nakaapekto sa 28,373 mangingisda.
Aniya, ang pagkalugi hanggang Agosto 8 ay nasa P78.69 million.
Sa Metro Manila, ang fishing ban ay umiiral sa Las Piñas at Parañaque. Ipinatutupad din ang fishing ban sa Abucay, Balanga, Limay, Mariveles, at Samal sa Central Luzon; at Bacoor, Cavite City, Kawit, Maragondon, Naic, Noveleta, Rosario, Tanza, at Ternate sa Calabarzon.
Nauna rito, sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ang fish samples na kontaminado ng petrochemicals sa oil spill-affected areas ay hindi ligtas kainin.
Tiniyak naman ni De Mesa ang patuloy na pagtulong sa mga apektadong mangingisda sa pamamagitan ng BFAR.
Aniya, sinimulan na ng BFAR ang pamamahagi ng fuel subsidy na nagkakahalaga ng P3,000 kada mangingisda, gayundin ang distribusyon ng relief packs.
“Tumutulong din sila sa coastal cleanup sa mga areas na naapektuhan. Nag-donate sila ng mga spill boom na rin at tuluy-tuloy iyong kanilang sensory evaluation,” ani De Mesa.
Samantala, pinoproseso na ngayon ng DA ang paggamit ng P1 billion na halaga ng quick response fund (QRF) upang tulungan ang mga apektadong mangingisda sa pamamagitan ng alternative livelihood.
Ayon sa BFAR, may 46,000 rehistradong mangingisda sa tatlong rehiyon. ULAT MULA SA PNA