(Ipinaubaya na ng DepEd sa mga principal) SUSPENSIYON NG KLASE KAPAG MATINDI ANG INIT

MULING  nilinaw ng Department of Education (DepEd) na nasa kamay na ng mga principal o pinuno ng mga eskuwelahan ang pagpapasya kung sususpindehin ang face to face classes kung matindi ang init ng panahon.

Paalala ni DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, matagal na sinabihan ang mga school head na sa kanilang kapangyarihan at responsibilidad kung mag-face to face o gumamit ng alternative delivery modes kung napakainit at nakasasama sa kalusugan ng mga mag-aaral at personnel.

Paliwanag ni Poa, iba-iba ang sitwasyon ng mga paaralan kaya ipinaubaya na sa school heads ang pagdetermina kung papasukin ang mga estudyante o hindi.

Ayaw rin aniya nilang makaapekto sa kalusugan ng mga learners ang napakainit na panahon, kaya pinaalalahanan ang mga school heads na maaari silang mag-switch agad sa ADMs.

Nagpalabas na rin aniya ng memo ang kagawaran sa mga eskuwelahan.

Ang pahayag ay tugon ni Poa sa mga guro na nag-post ng kanilang sentimyento sa social media patungkol sa sitwasyon ng mga mag-aaral na nahihirapan sa klase dahil sa init ng panahon.
Elma Morales